Itinuring ni Compostela Mayor Felijur Quiño na mahalagang hakbang sa patuloy na pag-unlad ng munisipalidad ang pagbubukas ng Metro Market sa bayan.
Ayon kay Mayor Quiño, matagal nang pangarap ng mga taga-Compostela na magkaroon ng mas malapit at mas madaling mapuntahang pamilihan. Dahil dito, itinuturing niya itong mahalagang hakbang para sa kapakanan ng komunidad.
“Naalala ko ang paalala sa akin ng aking bise alkalde tungkol sa ating wika: Darating ang panahon, basta maghintay ka lamang.Sa mahabang panahon, pinangarap, pinagsikapan at nagtiyaga ang mga taga-Compostela na magkaroon din ng sariling supermarket dito sa ating bayan, lalo na ngayong panahon na nahaharap tayo sa iba’t ibang hamon.”
“Sa loob ng maraming taon, ang mga taga-Compostela ay kailangang pumunta pa sa Liloan o Danao upang mamili ng kanilang mga pangangailangan. Ang oras, panahon, at pamasahe na dapat sana ay nagagamit dito sa ating bayan ay napupunta pa sa ibang lugar,” pahayag ni Mayor Felijur P. Quiño, Compostela, Cebu.
“Sa pagdiriwang natin ngayon ng pagbubukas ng ating ika walongpu’t lima na pamilihan, muli nating naaalala na ang paglago ay hindi lamang tungkol sa pagbubukas ng mas maraming pamilihan. Ito ay tungkol sa mas marami pang komunidad na ating naaabot, paglikha ng mas maraming oportunidad, at pagbibigay ng makabuluhang pagbabago sa buhay ng mga taong ating pinaglilingkuran,” saad ni Joselito G. Orense, President & COO, Metro Retail Stores Group, Inc.
Pormal na binuksan ang Metro Market Compostela bilang ika-85 na sangay ng Metro Retail Stores Group, kasabay ng pagdiriwang ng ika-44 na anibersaryo ng operasyon ng kumpanya.
Pinangunahan ang makasaysayang seremonya nina President and COO Mr. Joselito G. Orense, Vice Chairman Margarette Gaisano Ang, at Vice President for Procurement Mr. Marco Gaisano Ang De Leon.
Ayon kay Orense, sa pamamagitan ng bagong sangay na ito, mas mapapalapit sa mga pamilya ang kanilang mga pang-araw-araw na pangangailangan at mas mapadadali ang kanilang pamimili.
Dumalo rin sa naturang aktibidad ang mga opisyal ng lokal na pamahalaan sa pangunguna ni Mayor Felijur “Jury” Quiño, kasama si Vice Mayor Froilan O. Quiño, mga miyembro ng Sangguniang Bayan, at mga punong barangay mula sa lahat ng 17 barangay ng Compostela.
Inaasahang makatutulong ang bagong establisimyento sa pagpapalago ng lokal na negosyo at pagbibigay ng karagdagang serbisyo at oportunidad sa komunidad.
Nagpasalamat naman ang kumpanya sa mga katuwang nito sa komunidad, mga mamimili at mga kawani na naging bahagi ng kanilang tagumpay.
Ipinahayag din ng Metro ang pag-asang magpapatuloy ang kanilang paglago at pag-unlad kasama ang mga mamamayan ng Compostela.
“Dito talaga ako nakatira sa Compostela. Masayang-masaya kami ngayon dahil mayroon na kaming malapit na Metro Market. Mas madali na kaming makakapunta rito at makakabili ng aming mga pangangailangan, lalo na ang mga pangunahing bilihin. Maraming salamat po! Pagpalain kayo ng Diyos, Mayor. Maraming salamat po, Mayor!” saad ni Nimfa Mercado, residente, Compostela, Cebu.
“Lubos ang aking kasiyahan dahil ako mismo ang nag-imbita na pumunta sila rito sa Compostela. Talagang masaya ako dahil suki ako ng Metro. Kaya hinihikayat ko ang lahat ng mga taga-Compostela na dito na mamili at bumili ng kanilang mga pangangailangan sa Gaisano Metro,” wika ni Engr. Veronica Paradiang, Municipal Engineer, Compostela, Cebu.
Samantala, nagpapatuloy ang mga proyektong pang-imprastraktura sa Compostela mula nang maging first-class municipality ito noong 2024. Patuloy rin ang pagpasok ng iba’t ibang pamumuhunan at negosyo sa bayan, na nagpapakita ng pag-usad ng lokal na ekonomiya sa pamamagitan ng pagsisikap at pagkakaisa ng mga Compostelanhon.
Ang pagbubukas ng Metro Market Compostela ay nagbubukas ng karagdagang oportunidad para sa mga residente at lokal na negosyo sa bayan. Inaasahang magpapatuloy ang pagtutulungan ng pribadong sektor at ng komunidad tungo sa mas maunlad na Compostela, Cebu.
