NANINIWALA si Sultan Kudarat Governor Datu Pax Ali S. Mangudadatu na age doesn’t matter sa paglilingkod sa bayan.
Ito ang naging sagot ng gobernador sa panayam ng SMNI News nang tanungin hinggil sa isyu bilang pinakabatang gobernador sa edad na 24.
Aniya, hindi nakabase sa edad ang pagiging tunay na lider kundi nakadepende ito sa puso, utak at kapasidad para makapagbigay ng excellent quality services.
Dagdag pa ni Gov. Pax Ali, simula bata pa lamang ay sinanay na siya ng kanyang pamilya na maging isang public servant.
Ang ama ni Gov. Pax Ali na si Governor Suharto Mangudadatu ay isa ring politiko sa matagal ng panahon na naging inspirasyon nito sa paglilingkod sa bayan.
Bukod pa rito, sinabi rin ni Gov. Pax Ali na hindi ang edad ang tutukoy sa karanasan at sa karunungan ng isang lider kundi kung ano ang maibibigay nito sa komunidad.
Ipinagmamalaki naman ni Gov. Pax Ali ang libreng ospital na ibinibigay ng lokal na pamahalaan ng Sultan Kudarat sa mga residente nito.
Aniya, ang ospital ay may ‘zero billing, zero balance’ policy kung kaya’t walang babayaran ang mga tao na naoospital dito.
Target din ngayong taon ni Gov. Pax Ali na makapagpatayo ng libreng dialysis center para sa mga taga-Sultan Kudarat.
Sa ngayon, tinatrabaho rin ng gobernador ang proyekto nito para sa enerhiya na makatutulong sa bansa hinggil sa mataas na presyo ng langis.