NAGSAGAWA ang Armed Forces of the Philippines (AFP) Visayas Command (VisCom) ng humanitarian assistance and disaster response (HADR) operations sa mga lugar na nakaranas ng pagbaha sa Eastern at Northern Samar.
Ayon kay AFP VisCom commander Lieutenant General Benedict Arevalo, kabuuang 28 HADR team na may mobility assets at HADR equipments ang idineploy para magsagawa ng pre-emptive evacuation, search and rescue, road-clearing operations, at maghatid ng relief items sa mga apektadong komunidad.
Kabilang dito ang HADR teams ng 803rd Infantry Brigade sa ilalim ng Joint Task Force Storm na nakapagligtas ng 50 pamilya o 312 indibidwal sa Catarman, Samar.
Habang ang HADR teams ng 3rd Infantry Battalion at 19th Infantry Battalion sa pakikipagtulungan sa Local Disaster Risk Reduction and Management Office (LDRRMO) ay nagsagawa ng pre-emptive evacuation sa apektadong residente sa Las Navas at Pambujan, Northern Samar.
Samantala, nagsagawa ng road-clearing operations ang HADR teams ng 43rd Infantry Battalion sa Catarman at Mondragon, Northern Samar upang mapabilis ang paghahatid ng pangunahing serbisyo sa mga apektadong residente.