IBINABA sa mas abot-kaya sa mga Pilipino ang halaga ng medical examination para sa pagkuha ng lisensiya.
Inilabas na ng Land Transportation Office (LTO) ang maximum rate na sisingilin para sa medical examination ng mga accredited medical clinic o health facility para sa aplikasyon ng student permit at driver’s license.
Ito ay nagkakahalaga na lamang ng P300, maaari din na maningil ng mas mababa pa rito.
Alinsunod ito sa nilagdaang memorandum circular na ginawa ni LTO chief Jay Art Tugade, bilang tugon sa mga reklamo kaugnay ng mataas na halaga ng medical examination na isa sa mga requirement sa pagkuha ng driver’s license.
Punto ng opisyal, hindi na makatwiran na umabot sa P700 ang pinakamataas na bayarin rito.
“Hindi po natin maisasantabi ang maraming reklamo kaugnay ng sobrang mahal ng pagkuha ng medical certificate na ang iba ay nagbabayad ng ₱500 hanggang ₱700. Mabigat na ang halaga na ito para sa ating mga ordinaryong mamamayan,” saad ni Asec. Jay Art Tugade, Chief, LTO.
Sakop ng bagong polisiya ang lahat ng LTO accredited medical clinics at health facilities kung saan ay accredited din dapat ang mga doktor na magsasagawa ng medical, physical, optical at iba pang pagsusulit.
Katulad sa aplikasyon para sa student driver’s permit, bagong non-professional driver’s license at bagong conductor’s license.
Gayundin sa renewal at upgrading ng lisensiya mula sa non-professional tungo sa professional.
Sinumang hindi susunod sa bagong polisiya ng LTO ay may kakaharaping kaparusahan.
Maaaring maharap sa parusang suspensiyon ng akreditasyon sa loob ng 90 araw at multang ₱10,000 ang medical clinics at health facilities na hindi susunod sa bagong polisiya.
Tatagal naman ng 180-araw na suspensiyon at multang ₱15,000 ang parusa sa lalabag sa ikalawang pagkakataon at pagbawi na ng akreditasyon.
Bukod pa sa perpetual o habambuhay na diskuwalipikasyon bilang accredited medical clinic o health facility para sa ikatlong beses na lalabag.
“Accredited medical clinics have several variances of fees and charges causing discrepancy of rates. For standardization, the LTO deemed it proper and necessary to set the specific maximum medical examination fees to be charged from driver-applicant by accredited medical clinics,” ani Tugade.