Halos kalahati ng pondo sa ECQ ayuda para sa NCR, naipamahagi na

Halos kalahati ng pondo sa ECQ ayuda para sa NCR, naipamahagi na

NAIPAMAHAGI na sa mga kwalipikadong benepisyaryo sa National Capital Region (NCR) ang halos kalahati ng P11.2 bilyong pondo mula sa national government na pang-ayuda sa mga residenteng apektado ng ipinapatupad na Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Nasa P4.5 billion o 40.6% ng ECQ ayuda para sa NCR ang naipamudmod na sa mga benepisyaryo nito.

Ito ay base sa datos ng Department of the Interior and Local Government (DILG).

Sa isang statement, sinabi ni DILG Secretary Eduardo Año na nasa higit 4.5 milyong (4,566,655) low-income individuals na ang nakinabang sa ayuda.

Tuluy-tuloy naman ang pagbibigay ng mga local government unit (LGU) kung saan nakapaskil na rin sa mga barangay hall, website at official social media platforms ang listahan ng mga benepisyaryo para may transparency sa lahat.

“Bukod pa rito, para may transparency, ay naipaskil na rin sa lahat ng local government units (LGUs) ang listahan ng kaniya-kaniyang mga benepisaryo sa mga barangay hall, website at official social media platforms para po sa kaalaman ng lahat,” pahayag ni Año.

Kabilang sa mga syudad sa NCR na mayroong mataas na porsyento pagdating sa pamamahagi ng ayuda ay ang:

Caloocan City 59.78%

San Juan City 56.51%

Mandaluyong City 55.22%

Taguig City 53.41%

Makati City 51.48%

Kinilala naman ng DILG ang pagsusumikap ng mga alkalde ng Metro Manila na matiyak na magiging maayos at organisado ang distribusyon ng ayuda sa kani-kanilang mga nasasakupan.

“We congratulate the NCR LGUs for an orderly and systematic distribution of Ayuda. We are doing distribution every day,” ani Año.

Sambit pa ng DILG chief, wala silang natatanggap na ulat na anumang hindi kanais-nais na pangyayari mula sa mga otoridad hinggil sa distribusyon ng cash aid.

“We have not received any report of any untoward incident and our PNP is there to ensure that all minimum health standards are met,” ayon kay Commander DILG.

Batay sa nakapaloob sa panuntunan ng DILG, binigyan ang mga lgu ng Metro Manila ng 15 araw para makumpleto ang distribusyon ng ayuda sa kanilang mga nasasakupan.

Samantala, simula ngayong linggo, mag-uumpisa na rin sa pamamahagi ng ECQ ayuda ang mga lalawigan ng Laguna at Bataan sa mga low-income families sa kanilang lokalidad.

SMNI NEWS