Hawaan ng COVID-19, bumabagal na –Duque

Hawaan ng COVID-19, bumabagal na –Duque

BUMABAGAL na ang pagdami ng COVID-19 infections sa Pilipinas ngunit nananatiling nasa critical risk ang bansa ayon sa isang health official.

Sa ulat ni Health Secretary Francisco Duque III kay Pangulong Rodrigo Duterte, sinabi nito na hindi na gaanong mabilis ang paglaganap ng COVID-19 sa bansa.

Ani Duque mula Disyembre 21 hanggang Disyembre 27, 2021,  314 ang average ng mga kaso sa Pilipinas.

Pagdating ng Disyembre 28 hanggang Enero 3, tumaas ito ng 725% na may mahigit 2,500 cases.

Pagtungtong naman ng Enero  4 hanggang Enero 10, 2022, tumaas ng 689% ang average cases ng bansa na may lampas 20,400 cases.

Ngunit sa susunod na linggo, Enero 11 hanggang 17, 71% lang ang itinaas ng mga kaso na may mahigit 34, 900 cases.

“So bumabagal, bumababa po ‘yung porsiyento ng pagtaas ng mga kaso, Mr. President,” pahayag ni Duque.

Ngunit ani Duque, kung ang COVID-19 growth rate ng buong bansa ay bumabagal na partikular na sa Metro Manila, Ilocos Region, Cagayan Valley, Cordillera Administrative Region, Central Luzon at Calabarzon, nananatili pa ring nasa critical risk ang Pilipinas.

Dagdag ng health official bagama’t nagsisimula nang mag-plateau ang bilang ng mga kaso, wala pang kasiguraduhan kung patuloy bang bababa ito o tataas muli.

Iniulat din ni Duque na kahit may mga pagtaas ng mga kaso sa bansa sa gitna ng presensya ng Omicron variant, mas mababa naman ang bilang ng hospital admissions kumpara noong kasagsagan ng surge dahil sa Delta.

Mas mabilis aniya ang pagdami ng mga kaso ngayong Enero 2022 kaysa noong Setyembre 2021, pero ang admissions sa national level at sa Metro Manila ngayong buwan ay mas mababa kumpara noong Setyembre.

“Dati ang Delta, pagka sumipa ‘yung kaso, sumisipa din ‘yung ICU case, ‘yung severe, critical sumisipa din. Pero ngayon nakita natin parang nagde-decoupling. Ang tawag, sir, “decoupling” o bumabaklas na doon sa admission curve na mataas. Mababa na ho ‘yung ating severe, critical, and hopefully this will remain,” ani Duque.

Ngunit binigyang diin ni Duque na maaari pa ring ma-overwhelm ang healthcare system ng bansa.

Dagdag ng Health official, patuloy na nade-detect ang Omicron variant sa mga samples na isinasailalim sa genome sequencing.

Aniya halos 90% ng mga samples ay Omicron strain. Mas mataas ito kaysa sa 60% na iniulat niya kamakailan.

Unang nang sinabi ng Philippine Genome Center na kailangan pa ng mas maraming samples na masuri para masabing mas dominante na ang Omicron kaysa sa Delta variant.

Ngunit banggit rin kamakailan ni World Health Organization representative to the Philippines Rabrinda Abeyasinghe hindi malabong mapapalitan ng Omircon ang Delta.

Saad naman ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire sa isang panayam, matuturing na na predominant variant ang Omicron sa National Capital Region.

17 lugar na aniya ang nakitaan ng naturang variant sa rehiyon.

Umaasa naman ang Pangulo na patuloy na bababa ang COVID-19 cases ng bansa habang nananatili ang COVID-19 bilang “number one threat sa mga Pilipino ngayon bukod sa NPA (National People’s Army) at mga terorista.”

Follow SMNI News on Twitter