7-M fully vaccinated individuals, kailangan upang maabot ang herd immunity ng bansa

KAILANGAN ng Pilipinas na makapagturok ng COVID-19 vaccine sa pitong milyong Pilipino pa bago matapos ang buwan upang maabot ang target na 54 milyon at maabot ang herd immunity bago matapos ang taong 2021.

Batay sa datos mula sa National COVID-19 Vaccination Dashboard, nasa 105,329,784 bakuna ang naipamahagi sa buong bansa.

Sa nasabing bilang  47,109,449 na Pilipino ang fully vaccinated, habang 1,365,827 ang nakatanggap na ng booster shots.

Ang average daily vaccination rate ng bansa ay bumaba sa 675,567 dahil sa pananalasa ng Bagyong Odette.

Ayon kay testing Czar Sec. Vince Dizon, mas papabilisin ng gobyerno ang pagbibigay ng second dose at single shot Janssen vaccine, lalo na sa mga lugar na naapektuhan ng Bagyong Odette.

Magugunitang muling isinuspinde ang ‘Bayanihan Bakunahan’ II sa mga lugar na sinalanta ni Bagyong Odette.

Nauna nang sinabi ng National Task Force Against COVID-19, hindi muna nila gigipitin ang mga LGUS na magbakuna lalo’t ngayon mas prayoridad nila ang relief at rescue operations.

Kumpiyansa pa rin ang pamahalaan na maabot ng bansa ang herd immunity bago matapos ang taong 2021.

“Alam kong pagod na ang lahat pero hindi tayo titigil hangga’t hindi natin maabot iyong mga target natin. So iyon ang gagawin natin sa susunod na mga araw, paiigtingin natin ang ating pagbabakuna. Iyong ating mga areas na tinamaan ng bagyo, siyempre hindi natin mai-expect na magbakuna sila dahil nga busy sila sa relief at sa rehabilitation. Pero iyong mga ibang lugar naman na hindi tinamaan ng Odette ay talagang dapat paigtingin natin at tuluy-tuloy lang tayo. Ang priority natin ngayon: Lahat ng second dose; at pina-prioritize din natin iyong Janssen vaccines natin dahil isang bakuna lang, isang dose lang ay fully vaccinated na ang ating mga kababayan,” pahayag ni Dizon.

SMNI NEWS