Higit 140 empleyado ng parlor sa Pasay, pinangangambahang hindi makatatanggap ng SSS benefits

Higit 140 empleyado ng parlor sa Pasay, pinangangambahang hindi makatatanggap ng SSS benefits

HIGIT 140 empleyado sa limang branches ng isang massage parlor ang pinangangambahang hindi makatatanggap ng Social Security System (SSS) benefits.

Ito ay dahil sa mahigit P12.78-M na SSS contribution na hindi nahuhulog ng kanilang employer.

Bitbit ang notice of violation kinalampag ng mga tauhan ng SSS ang isang massage parlor sa Pasay City nitong Biyernes ng umaga.

Pinagpapaliwanag ang employer na ayon sa SSS ay hindi tumatalima sa pagbabayad ng kontribusyon ng kanilang higit 140 empleyado sa limang branches nito.

Umabot umano sa higit P12.78-M ang halaga ng hindi nahuhulog na kontribusyon ng employer mula pa noong Pebrero 2019 hanggang Abril 2023.

Dahil dito pinangangambahan na posibleng hindi matanggap ng kanilang mga empleyado ang kanilang SSS benefits.

“Kapag hindi po nagbabayad ng contributions yung employer, hindi po sila makakapagfile ng kanilang mga benefits. Hindi rin po sila makakapagfile ng mga salary loan kasi mayroon kasing qualifying contributions for them to be able to avail of the different benefits at saka ‘yung salary loan,” pahayag ni Daniel Caput, Branch Head II, SSS – Pasay-CCP Complex.

Si Jena na isa sa kanilang mga empleyado, bagama’t tumangging magpa-interview, inamin sa SMNI News na alam niyang hindi nahuhulugan ng kaniyang employer ang kanilang contribution nang mag-inquire siya sa tanggapan ng SSS.

Sa pagkakaalam ni Jena, wala pang tugon ang employer nila rito.

Kaya ito ang babala ng SSS sa mga employer na hindi tatalima matapos ang 15 araw mula nang natanggap nila ang notice of violation.

“Magfifile kami ng non-remittance of contributions. This is a violation of the provisions of R.A. 11199 or the Social Security Act of 2018. Fine of P5,000 to P20,000 or imprisonment na six years and one day to twelve years or both at the discretion of the court,” pahayag ni Atty. Resly Ann Denilla, Attorney III, SSS – NCR West Legal Department.

Isa ang massage parlor sa 10 employer na binigyan ng notice of violation sa isinagawang “Run After Contribution Evaders” ng SSS sa Pasay City.

Umabot sa kabuuang P21.57-M ang hindi nabayaran na SSS contribution at penalties ng 10 employer na nakaapekto sa higit 380 empleyado.

Mga empleyado, may karapatang malaman kung nababayaran ang kanilang SSS contribution

Hinikayat naman ng SSS ang mga empleyado na tiyakin sa kanilang mga employer na nababayaran ang kanilang mga kontribusyon.

Sabi ng SSS, karapatan nila ito.

“Huwag pong matakot na magtanong sa mga employer po nila na sabihin po, ibigay po ang kanilang mga SSS number at sabihin po sa employer nila na ireport po nila, magdeduct ng kanilang contributions tapos idagdag ‘yung mga share ng employer para ma-attain, mareceive rin, matanggap rin nila, maenjoy rin nila yung kanilang mga benefits sa SSS,” saad ni Daniel Caput, Branch Head II, SSS – Pasay-CCP Complex.

Follow SMNI NEWS in Twitter