MAHIGIT 1,000 kababaihang OFW ang nakinabang sa P10.7M halaga ng tulong-pangkabuhayan mula sa Department of Migrant Workers (DMW) sa ilalim ng Balik Pinay, Balik Hanapbuhay program.
Ito ang pinakamalaking pagbibigay ng tulong sa kasaysayan ng programa.
Isinagawa ang sabay-sabay na pamamahagi ngayong Marso 17, sa pangunguna nina Migrant Workers Secretary Hans Leo Cacdac at Budget Secretary Amenah Pangandaman. Sa National Capital Region, 128 OFW ang nakatanggap ng tig-P10,000 sa tanggapan ng DMW sa Mandaluyong City.
Samantala, 939 pang OFW mula sa 15 rehiyon sa bansa ang tumanggap din ng parehong halaga.
Tiniyak naman ni Secretary Pangandaman ang suporta ng pamahalaan sa mga Pilipinang babae sa pamamagitan ng “Women’s Budget” sa ilalim ng General Appropriations Act, kung saan 5% ng kabuuang taunang badyet ay nakalaan sa mga programang nakatuon sa kababaihan.
Ang Balik Pinay, Balik Hanapbuhay ay pangunahing programa ng DMW na pinamumunuan ng National Reintegration Center for OFWs. Layunin nitong magbigay ng komprehensibong suporta sa mga OFW na nakaranas ng paghihirap sa pamamagitan ng pagsasanay, produksiyon, at tulong-pangkabuhayan para sa kanilang negosyo. Layon din nitong palawakin ang kanilang mga oportunidad sa trabaho sa kanilang mga lugar upang mabawasan ang kanilang sosyo-ekonomikong kahinaan.