HIGIT dalawang milyong Pilipino sa loob ng higit dalawang taon.
Ganyan na karami ang mga indibidwal na nakabenepisyo sa iba’t ibang programa ng Office of the Vice President (OVP).
As of August 31, 2024, nasa 2,027,164 na indibidwal na ang natulungan ng tanggapan ni Vice President Sara Duterte.
67 percent sa nasabing bilang ng mga benepisyaryo ay nagmula sa mga satellite offices ng OVP.
Ayon kay Atty. Michael Poa, tagapagsalita ng OVP, malaking tulong ang 10 satellite offices at dalawang extension offices ng tanggapan para maipaabot ang kanilang serbisyo sa mga Pilipinong nasa mga malalayong lugar ng Pilipinas.
Inihalimbawa ni Poa rito ang mga taga-Mindanao.
“Kung ikaw ay taga-Mindanao at wala tayong satellite office doon, eh napakahirap po para sa mga kababayan natin na pumunta pa o bumiyahe pa papuntang NCR para lang makakuha ng medical benefits. In fact kung susumatutalin mo ay hindi na worth it ‘yung gagastusin niya pagbiyahe para lang makakuha ng medical benefits. So ito ang very simple at accurate example kung bakit napaka-importante po ng ating mga satellite offices,” dagdag ni Poa.
Sa 10 satellite offices ng OVP, apat dito ay nasa Mindanao kabilang ang Davao, Zamboanga, Cotabato at Surigao Habang tig-tatlo naman sa Visayas at Luzon.
Ayon kay Poa na ang mga nasabing tanggapan ay accessible at mabilis na napupuntahan ng mga Pilipino sa oras ng pangangailangan.
Satellite at extension offices, mas palalakasin ng OVP
Sa ngayon aniya ay wala pang plano ang OVP na magdagdag ng satellite offices sa susunod na taon.
“Sa ngayon we are really strengthening no the satellite offices that we have and they are already strategically located. Pero ang ginagawa natin habang mayroon tayong satellite offices, we are constantly reviewing ‘yung mga performance ng mga satellite offices, kung sakali man may mas strategic na location na makita baka ang gawin na lang natin ay ilipat,” ani Poa.
Ang programang medical at burial assistance ang nangunguna sa mga ina-avail ng mga Pilipino sa tanggapan ng bise.
Ani Poa, pinag-uusapan na rin nila ang iba pang mga proyekto na plano nilang ipatupad na sa tingin nila ay makatutulong sa mga Pilipino.
“Sa OVP, hindi tayo tumitigil sa pag-iisip ng mga karagdagang programa na pwede nating ibigay sa taumbayan para lalo tayong makatulong lalong-lalo na nga doon sa mga nangangailangan sa ating undeserved communities,” aniya.
Para sa 2025, higit isang milyong indibidwal ang tinatarget na matulungan ng tanggapan ni Vice President Duterte.
Mga Pilipinong umaasa sa OVP, wala dapat ipag-alala sakaling tapyasan ang 2025 proposed budget ng OVP
Pero nanganganib na matapyasan ang kanilang ₱2.037-B panukalang budget.
Matatandaan na mahigit P733-M na lang ang inirerekomenda ng House Committee on Appropriations para sa budget ng OVP sa susunod na taon.
Kaya tanong ng mga nakararaming Pilipino na tanging umaasa sa tanggapan ng bise, papaano sila nito ngayon?
Una nang sinabi ni Vice President Sara na kinikilala ng OVP na ang kapangyarihan pagdating sa budget ay nasa Kongreso.
Pero ganoon pa man handa aniya ang kaniyang tanggapan sa kung anuman ang ibigay sa kanila na pondo at patuloy pa rin aniya ang trabaho ng OVP para maipaabot ang mga serbisyo na karapat-dapat sa mga Pilipino.
“Huwag po silang mag-alala, marami naman po tayong pwedeng gawin, maraming mga bagong programa or mga bagong creative ways of delivering the services and OVP will not stop in its mandate para maihatid talaga lalong-lalo na ‘yung mga social welfare na pangangailangan, social welfare needs ng ating mga kababayan,” aniya.