Hind pagpapauwi ng Gen.Trias Police sa curfew violators iimbestigahan

HINDI agad pagpapauwi ng Gen. Trias Police sa curfew violators, anggulong sisilipin ng Philippine National Police (PNP) sa imbestigasyon kaugnay sa isang namatay sa lugar.

Ito ang pahayag ni PNP spokesperson police Brigadier General Ildebrandi Usana sa panayam ng Sonshine Radio kaugnay sa umano’y isang violator na namatay matapos ang ipinataw na 300 rounds pumping exercise ng Gen. Trias City police sa mga lumabag sa curfew protocols nito noong Abril a-uno.

“‘Yung natapos na ‘yung pangangaral nila, minarapat nalang na mag-stay nalang doon ‘yung mga violators daw dahil nga gabi at ayaw naman nila na maisip na baka pupunta pa kung saan-saan itong mga nag-violate. So, ito po ay isa sa mga idi-determine during investigation, bakit hindi sila pinauwi (agad). Sabi nga po ng ating Chief PNP, i-release na po sila right away”  ani Usana.

Ayon kay Usana, labag sa direktiba ng PNP Chief ang hindi pagpapauwi ng violators sa kani-kanilang tahanan pagkatapos ng seminar kaugnay sa protocols.

Samantala, base sa ikinuwento ni Usana, inaresto ng barangay officials ang curfew violators noong Abril a-uno kasama na ang biktima na si G. Darren Manaog Peñaredondo at ini-refer ang mga ito sa local police.

Ayon kay Usana, taliwas din ito sa direktiba ng PNP Chief na sitahin lang, bigyan ng warning o pagmultahin ang violators, i-release na pagkatapos mai-document at hindi na ipapaaresto o pansamantalang ipakulong.

Itinanggi naman ni Gen. Trias police Lieutenant Colonel Marlo Solero ang alegasyong nagpapataw sila ng physical exercises sa violators.

Ang biktima na si G.Darren Peñaredondo, may sakit ito sa puso at namatay noong Sabado, Abril a-tres matapos ang pumping exercise.

Ayon sa live-in partner nitong si Reichelyn Balce, bumili lang aniya ng tubig si Peñaredondo nang maaresto.

Nagbigay naman ng opisyal na pahayag ang Pamahalaang Lungsod ng General Trias.

SMNI NEWS