PINAIGTING pa ng Inter-Agency Council for Traffic (I-ACT) ang kanilang operasyon laban sa mga ilegal at pasaway na mga motorista na dumadaan sa EDSA bus carousel lane kahit hindi naman ito awtorisado.
Pasado 5:00 ng umaga ng Huwebes nang magsagawa ng operasyon ang ahensiya sa bahagi ng EDSA bus carousel lane partikular sa Santolan Station sa Quezon City.
Ayon sa mga law enforcement officer, hindi ibig sabihin na holiday ay tigil ang kanilang operasyon.
Tila nagiging kampante anila ang mga motorista na dumaan sa araw na ito.
Aabot sa 110 na mga motorista ang natiketan simula 5 am – 10 am na operasyon ng I-ACT.
Ilan pa sa mga nahuli ay anim na mga pulis, dalawang sundalo at isang empleyado ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang natiketan.
Ang ilang pulis at sundalo pa ay pawang naka-uniporme pa habang natiketan ng mga tauhan ng I-ACT.
Sapul din sa operasyon ang call center agent na si James na bukod sa pagdaan nito sa EDSA bus carousel lane ay wala rin itong driver’s license.
“Kahapon po sa cemetery naiwan ko po ‘yung wallet ko doon and unfortunately kasama po lahat ng ATM, cash and, I just need to go to work po and mahirap po ‘yung commute yesterday,” paliwanag ni James, Call Center Agent, Motorista,.
“Yes, definitely. I was already requesting of affidavit of loss kaso nga lang po holidays,” dagdag ni James.
Maliban sa P1,000 multa na ipinataw sa kaniya, kaakibat din sa parusa ang walang lisensiya ay ang pag-impound ng kaniyang motor.
Hindi rin nakalusot sa mata ng mga tauhan ng I-ACT ang drayber ng puting van.
Paliwanag ni Tatay Cenando, umiwas lamang siya sa isang sasakyan upang hindi mabangga kung kaya’t pumasok na lamang sa EDSA bus carousel lane.
“Nabigla ako sir/maam, pumreno ako at umiwas ako sa sinusundan ko, nakapasok ako,” ayon kay Cenando, Drayber.
“Eh ano pong magagawa ko kaysa naman po bumangga ako,” ani Cenando.
Isang Angkas drayber naman na may sakay na pasahero ang sinita matapos mahuling dumaan sa EDSA bus carousel lane.
Isang babaeng tauhan ng I-ACT ang lumapit upang kausapin at tiketan sana.
Ngunit, nagmatigas ito at nakipag-sagutan pa at kinalaunan ay biglang nagpaharurot ng takbo.
Dahil sa mga insidenteng tulad nito kung kaya’t iminungkahi kamakailan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na taasan ang multa sa mga mahuhuling motorista na dumadaan sa EDSA bus carousel lane upang magtanda.
Mula sa P1,000, magiging P5,000 na ang multa para sa first offense; P10,000 at isang buwang suspension ng lisensiya, at sasailalim sa seminar para sa second offense; P20,000 at isang taong suspension ng lisensiya para sa 3rd offense; habang P30,000 at tuluyang pagkansela naman ng lisensiya para sa 4th offense.
Sa ngayon ay aprubado na ng Metro Manila Council ang planong pagtataas ng multa at hinihintay na lamang ang pinal na petsa para sa implementasyon nito.
Matatandaang, binigyang-diin ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Romando Artes na ang nasabing kautusan ay hindi anti-poor o pangingikil sa mga motorista.