NAKATIKIM ng batikos mula kay Department of Justice (DOJ) Secretary Jesus Crispin Remulla si International Criminal Court (ICC) Prosecutor Karim Khan matapos nitong sabihin na walang merito ang argumento ng pamahalaan para sa inihihirit nitong imbestigasyon sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Wala nang plano ang DOJ na pansinin pa ang naging banat ng ICC sa argumento ng pamahalaan hinggil sa inihihirit nitong imbestigasyon sa war on drugs ng nakaraang administrasyon.
Ayon kasi kay Khan, walang merito ang argumento ng pamahalaan pagdating sa panawagan ng Pilipinas na huwag nang ituloy ang imbestigasyon.
Punto kasi ng gobyerno, hindi maaring gumalaw ang ICC Investigation dahil sa kakulangan ng hurisdiksyon, admissibility at complementarity.
Ayon kay Remulla, maging si Solicitor General Menard Guevara, ay nagsabing hindi na kailangan ng ating bansa na sumagot pa sa reklamo ng prosecutor ng ICC.
Sa kabila nito binatikos ni Remulla si Khan dahil sa pagmamarunong nito sa bansa.
Ayon sa kalihim, disservice ang ginagawa ni Khan para sa ICC.
“Here comes a foreigner who thinks he knows the Philippines more than we do, who thinks it is so easy to run the government from our side of the fence,” pahayag ni Remulla.
“Are they dictating on us—what we should do as a country? I hope the ICC will know that Mr. Khan is doing them a great disservice by putting a challenge to our system here. Are they putting a challenge to our system here?,” dagdag ng kalihim.
Muli namang iginiit ni Remulla na umuusad ang justice system ng bansa at hindi na kailangan pang manghimasok ang sinuman.
Nanindigan din siya na may sariling imbestigasyon ang DOJ, ang problema lang wala namang nais tumayo bilang testigo at complainant sa kaso.
Kapwa hinimok nina Remulla at Guevara ang pamilya ng mga napatay sa war on drugs ng gobyerno, na makipag-ugnayan sa kanila para sa pagsasampa ng kaso sa Local Criminal Court.