Ilang gov’t officials, posibleng kasabwat sa ‘smuggled sibuyas online’—Agri Party-list

Ilang gov’t officials, posibleng kasabwat sa ‘smuggled sibuyas online’—Agri Party-list

SIBUYAS ang pangunahing ginagamit na sangkap sa pagluluto ng iba’t ibang pagkain.

Pero, dahil sa mataas pa rin ang presyo nito sa merkado kung kayat may ilang mamimili ang tumatangkilik na lamang na mamili online.

Katulad na lamang ng pula at puting sibuyas na for sale sa Facebook na mabibili lamang ng P25/kg hanggang P50/kg.

Bukod sa Facebook, maaari ka ring makabili sa iba’t ibang shopping online platform tulad ng Shopee at Lazada.

Pero, ang ganitong uri ng gawain ay ilegal pala ayon sa isang mambabatas.

Napag-alaman kasi na ang ibinibentang sibuyas online ay smuggled na posibleng kontaminado na ng E.coli bacteria na nakasasama sa kalusugan ng tao.

Kung kayat, isang resolusyon ang inihain ni Agri Party-list Representative Wilbert Lee upang imbestigahan ang talamak na bentahan nito.

“Naka-received ako ng complaints both sides ‘yung isang banda ‘yung ating mga magsasaka nag-complaint dahil nandiyan na naman ang pangamba nila na malulugi sila dahil sa nakababang farm gate price na lumabas at nagkakaroon ng oversupply at pangamba na mabubulok na naman ito dahil sa nangyayari na maraming nagbebenta online,” pahayag ni Rep. Wilbert Lee, Agri Party-list.

Nakatanggap din ng sumbong ang mambabatas mula sa mga konsyumer na nakabili ng sibuyas online dahil sa karamihan na nito ay bulok.

“Paano raw nila maibabalik itong nabili nila kasi…may nakitang uod, mayroong bulok, mayroon pa nga na ayon na rin sa DA na ang kanilang mga nakumpiskang sibuyas ay mayroon E.coli na lumalabas,” dagdag ni Lee.

Inaasahang ngayong linggo ay magkakaroon ng House inquiry hinggil dito at pagpapaliwanagin ang mga ahensiya ng pamahalaan tulad ng Bureau of Customs (BOC), Department of Agriculture (DA), at Department of Trade and Industry (DTI) kung bakit nakalusot ang mga ito.

Hindi rin isinasantabi ng mambabatas ang posibilidad na may mga opisyal ng pamahalaan ang kasabwat ng pagpapalabas ng smuggled sibuyas kung kaya’t talamak ito ngayon online.

“It takes two to tango, hindi naman pwedeng nag-iisa ka na mag-smuggle, siyempre kung wala kang kasabwat, dapat nahuhuli ka, hindi naman puwedeng ipalusot mo to noh, conta-container itong dumarating. So siyempre kailangan may kasabwat ka kahit papaano it takes two to tango nga noh, hindi naman pwedeng nag-iisa ka lang jan. So sa aking palagay, talagang ito po ay may kasabwat,” ayon pa kay Lee.

DA-BPI, itinanggi na may mga opisyal na kasabwat sa bentahan ng smuggled sibuyas online

Ang Bureau of Plant Industry (BPI) ng DA, kumpiyansang walang sinumang opisyal ang sangkot dito.

Sa text message kasi ni BPI Director Glenn Panganiban sa SMNI News, wala silang nilabas na import permits para sa mga importer.

“Definitely hindi yan BPI dahil wala kami ini-issue na permits at kami pa ang nanghuhuli,” wika ni Dir. Glenn Panganiban, DA-BPI.

Pero, handa aniya silang makipagtulungan upang matuldukan ito.

“Rest assured that we are coordinating with the proper authorities, law enforcement units and as soon that we get the information na may ganyan we are coordinating them,” dagdag ni Panganiban.

Onion growers, dehado dahil sa talamak na smuggled sibuyas sa merkado—SINAG

Kung hindi ito matutuldukan ayon sa Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG) ay posibleng maraming magsasaka ng sibuyas ang mawalan na ng gana na magtanim pa.

Saad ni Jayson Cainglet, Executive Director ng grupo palugi nang palugi na ang mga magsasaka dahil sa binabarat na sila ng trader, sinabayan pa ng talamak na smuggled.

“Actually, noong isang taon dahil mataas ang farm gate, marami ang naengganyong magtanim ulit…dahil maganda ang presyo noong isang taon. Ang ating tinitingnan ay baka magsawa na ‘yung ating mga onion grower na magtanim ulit kasi magpapakahirap ka, pawis at dugo mo ilang buwan and yet pagdating ng harvest wala kang kinita,” saad ni Jayson Cainglet, Executive Director, SINAG.

Pinatotohanan din ng isang magsasaka ng sibuyas mula Bongabon, Nueva Ecija ang malaking epekto nito sa kanila.

“’Yun po ang concern namin kasi talaga pong naapektuhan po kami lalo po ngayon sa white onion,” wika ni Efren Alvarez, magsasaka ng sibuyas, Bongabon, Nueva Ecija.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble