MAKABIBILI na sa ilang tindahan sa Commonwealth Market sa Quezon City ng murang lokal na bigas.
Katulad na lamang sa tindahan ni Aldrian na nasa P48/kg na ang presyo ng regular milled rice.
Pero, ‘yun nga lang aabot na lamang sa dalawang araw ang natitirang suplay na kaya niyang maibenta.
“Kaunti ang suplay nila. So, anong nangyayari? Unahan, unahan na lang kung sino ‘yung unang makabiyahe tapos kung sino ‘yung kukuha ng marami,” ayon kay Aldrian, tindero ng bigas.
Ang Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), pinatotohanan din na may pagbaba na talaga sa presyo ng bigas.
Sinabi ni Rosendo So, Chairman ng grupo may ilang tindahang nasa P50-P52/kg ang bentahan kumpara noong mga nakalipas na linggo na naglalaro sa P54-P56/kg.
Pero, asahan pa aniya na mas bababa pa ito sa P2/kg hanggang P4/kg ang presyo ng lokal at maging ang imported na bigas sa susunod na buwan.
“Ang bigay na lang ngayon ng importer at tsaka lokal rice na well-milled ay nasa P48, retail more or less ay bumaba na,” ayon kay Rosendo So, Chairman, SINAG.
“By March 3rd week, hindi lang P2-P4 ang tingin natin, so ‘yung dating, or ngayon na may P2 na adjustments by March siguro another P4 adjustments,” dagdag pa nito.
Sa ngayon, batay sa price monitoring ng Agriculture Department, naglalaro sa P50/kg hanggang P52/kg ang presyo ng lokal na bigas sa National Capital Region.
Pero, kahit unti-unti nang bumababa ang presyo ng bigas, hindi pa rin ito ramdam ng ilang mga nagtitinda tulad ni Alfonso.
“Sa ngayon ay mataas ang kuha namin noong nakaraan kaya ngayon ang gagawin namin sa susunod na biyahe kapag nakakuha ng mas mababa na doon pa lang namin maibaba ang bigas,” saad ni Alfonso, tindero ng bigas.
Ang mamimiling si Melvin kahit pa aniya may P2 na pagbaba sa presyo ng lokal na bigas, hindi pa rin ito bibili.
“’Yung sa mas mura kasi kapag sinaing mo ‘yung quality niya medyo matigas kaya doon ako sa mas parang nasubukan na namin dati na although mahal,” ayon naman kay Melvin, mamimili.
Positibo naman ang DA na kayang-kaya pang maibaba sa P50/kg ang presyo ng bigas lalo’t sunud-sunod na ang anihan.
“Kapag pumapasok ‘yung harvest season especially kapag nandiyan na ‘yung peak, nagkakaroon naman ng natural occurrence ng pagbaba ng presyo ng bigas kasi siyempre marami na talaga ‘yung local supply,” ayon kay Asec. Arnel de Mesa, Spokesperson, DA.
“Hopefully malaki ‘yung ibababa,” dagdag nito.
Presyo ng galunggong, hindi na kayang ibaba mula sa P200/kilo sa kabila ng maraming suplay—BFAR
Samantala, hindi lang bigas ang may pagbaba sa presyo, maging ang isdang galunggong.
Ayon sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR), tapos na kasi ang closed fishing season kung kaya’t marami na ang suplay nito.
Kaya ang higit P300/kg nito noon, nasa P200 na lang ngayon.
“Medyo mababa siya kaya ganyan, ang kuha namin ay mura din,” ayon kay Eloisa, tindera ng isda.
Sa kabila ng maraming suplay ng isda partikular sa galunggong, hindi na aniya ito kaya pang maibaba sa dating presyo na nasa P180/kg.
“Siyempre kasi kapag Metro Manila may transport cost na. Contributory factor din like ‘yung fuel like kapag tumataas ay may epekto talaga ito sa mga bilihin,” ayon kay Nazario Briguera, Spokesperson, BFAR.