MATAPOS na bigong magpakita sa pagdinig dahil sa magkakaibang rason ay ipina-subpoena ng Senado sina retired Police Colonel Royina Garma, retired Police Colonel Edilberto Leonardo, former Customs Bureau Intelligence Officer Jimmy Guban, at iba pa.
Sila ay pinadadalo sa imbestigasyon ng Senado tungkol sa war on drugs ng gobyerno partikular na sa pamamahala ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte.
Gumawa ng mosyon ang sub-committee chairperson at Senate Minority Leader Koko Pimentel para sa paglalabas ng subpoena matapos magreklamo si Sen. Ronald Dela Rosa tungkol sa pagiging absent ng mga indibidwal na nagpahayag na sa House Quadcom probe kaugnay sa parehong issue.
Ayon kay Pimentel, si Garma lamang ang may valid na dahilan para hindi makadalo dahil siya ay nasa medical furlough.
Si Leonardo ay nahawahaan naman ng COVID-19 ayon sa secretariat.
Una nang isiniwalat ni Garma sa imbestigasyon ng Kamara na ipinatupad ni Duterte ang ‘Davao Model’ na war on drugs sa buong bansa kung saan nagbibigay umano ng pabuya sa mga pulis para pumatay ng mga suspek sa droga.
Gayunpaman, itinanggi ni FPRRD sa pagdinig ng Senado ang pahayag ni Garma.
Samantala, sinabi na rin ni Leonardo sa Quadcom na narinig niya ang tungkol sa reward system para sa pagpatay ng mga suspek ngunit itinanggi ang pagtanggap ng ganitong pabuya.
Si Guban naman ay nagtestigo sa House Quadcom at sinabi nya doon na ang multi-bilyong pisong shabu shipment na nasabat noong 2018 ay pag-aari nina Davao City Rep. Paolo Duterte, asawa ni Vice President Sara Duterte na si Mans Carpio, at dating Presidential Economic Adviser na si Michael Yang.