Ilang lider ng CTGs sa Quezon at Bicol, sumuko

Ilang lider ng CTGs sa Quezon at Bicol, sumuko

IPRINISENTA ng Kilusang Bagong Lipunan (KBL) sa Department of the Interior and Local Government (DILG) ang ilang lider ng New People’s Army (NPA) na nais magbalik-loob.

Sa isang programa ng KBL, umaga ng Biyernes sa Quezon City iniharap kay DILG Secretary Benhur Abalos ang ilang lider ng NPA na sumuko at ninanais na magbagong-buhay.

Nasa siyam na rebeldeng NPA ang sumuko.

Kabilang na rito ang 1 regional commander, 2 squad leader at 6 na miyembro mula sa Quezon Province at Bicol Command.

Ayon kay Efren Rafanan, Presidente ng KBL, taong 2021 pa nang lumapit ang mga ito upang humingi ng tulong dahil sa kagustuhan na magbalik-loob.

Nais ng mga ito na maramdaman kung papaano mamuhay nang mapayapa na malayo sa pamumuhay bilang komunistang terorista sa bundok.

Sa katunayan, may inaasahan pang mga rebelde ang susuko sa pakikipagtulungan sa KBL.

Ikinagalak naman ni DILG Secretary Benhur Abalos Jr. ang desisyon ng anim na miyembro ng NPA na iwanan ang masalimuot na buhay sa bundok at pagsapi sa mga maling ideolohiya.

Tiniyak ni Abalos na nandiyan ang pamahalaan upang tulungan silang bumangon mula sa karahasan at pinsalang idinulot nila sa loob ng mahigit 5 ​​dekada sa mga Pilipino.

Iba’t ibang programa ang ipagkakaloob ng gobyerno para sa kanila sa ilalim ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP) ng DILG at NTF-ELCAC naman ng NSA.

Ipinunto naman ni Attorney Larry Gadon na naging panauhing pandangal sa programa na ang pagkamatay ni Joma Sison ay hudyat ng kabagsakan ng CPP-NPA-NDF sa bansa.

Muli namang hinikayat ni Gadon ang mga rebelde na hanggang ngayon na nasa kilusan pa na magbalik-loob na.

Ito ay dahil handa ang pamahalaan na tulungan sila sa kanilang pagbabagong buhay.

Mababatid na higit 50,000 Pilipino ang namatay at nasayang ang buhay dahil sa paniniwala sa maling ideolohiya ng CPP-NPA-NDF.

Follow SMNI NEWS in Twitter