Ilang lugar sa BARMM, nagkagulo sa Barangay and SK Elections

Ilang lugar sa BARMM, nagkagulo sa Barangay and SK Elections

NABULABOG ang mga awtoridad sa harap ng Cotabato City Central Pilot School nang magkaroon ng bomb threat bago magsimula ang Barangay and SK Elections.

Dalawang bag ang pinaghinalaang may lamang bomba ang iniwan malapit sa gate ng eskuwelahan na isa ring polling precinct.

Agad rumesponde ang mga awtoridad sa lugar at binarikadahan ang buong kalye sa harap ng eskuwelahan.

Kalaunan, may matandang lalaki ang lumapit sa mga awtoridad at iginiit na kaniya ang dalawang bag.

Hindi aniya bomba kundi mga gamit niya ang laman nito.

Kahit false alarm ang nangyari, nasubok naman ang response time ng mga awtoridad.

Tangke at patrol naman ng Marines ang nag-checkpoint sa bahaging ng Rosary Heights 12 sa Cotabato City.

Dito kasi nagkaroon ng barilan isang linggo bago ang eleksiyon.

Sa pinakamalapit na eskuwelahan sa lugar ay mga pulis na ang nagsilbing poll workers para matiyak na hindi na mauulit pa ang gulo.

Todo-bantay ang lahat ng K9 units sa lahat ng election centers sa Cotabato City.

Dalawa ang napaulat na patay at apat ang sugatan sa Brgy. Bugawas, Datu Odin Sinsuat, Maguindanao del Norte.

Ayon sa mga pulis, nangyari ito sa harap ng paaralan bago magbukas ang botohan.

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa insidente.

Election rambolan naman ang nangyari sa bayan ng Nunungan Lanao del Norte sa kasagsagan ng eleksiyon.

Hindi paawat ang mga sangkot sa rambol kahit pumagitna na ang mga pulis.

May napaulat naman na barilan sa bayan ng Tuburan, Basilan sa kasagsagan ng eleksiyon.

May mga sugatan umano sa insidente.

Sa kaniyang Facebook live, nagpapasaklolo naman si former Pandag Maguindanao del Sur Mayor Toy Mangudadatu nang tambangan sila sa mismong araw ng eleksiyon.

Kasama ni Mangudadatu ang kaniyang pamilya sa sasakyan nang mangyari ang insidente.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter