DUMIDISKARTE ang ilang piitan sa Metro Manila, para iwas-sakit sa gitna ng sobrang init ng panahon na nararanasan ngayong summer.
Bukod sa dalawang stand fans sa labas ng pinto sa piitan ng Criminal Investigation and Detection Unit sa Camp Karingal sa Quezon City, ay mayroon pang dalawang exhaust fan para may hangin man lang kahit paano.
Maliban pa nga ‘yan sa maliliit na bentilador na halos hindi na rin maipahinga dahil sa sobrang init ng panahon.
Pero sa kabila nito ay talagang napakainit pa rin.
Ang hangin ngang ibinubuga ng mga bentilador nila ay ‘di sapat para maibsan man lang ang maalinsangang panahon sa nasabing pasilidad.
Sa pagbisita ng SMNI News sa naturang pasilidad ay mapag-alaman ang mga hakbang para pangalagaan ang kalusugan ng mga nakakulong lalo’t siksikan din ang sitwasyon sa loob na sinabayan pa ng mainit na panahon.
Sa kabilang kwarto naman, bagamat may kaluwagan ang piitan ng mga babaeng bilanggo, ay aminado silang mainit pa rin talaga.
Ayon sa mga opisyal, regular ang medical check-up ng mga nakakulong para matiyak na walang magkakasakit at hindi sila magkahawaan.
Sakali namang hindi kayanin ng isang PUPC ang isang karamdaman ay may naka-standby rin naman silang ambulansiya na maghahatid sa pasyente sa pinakamalapit na pagamutan.
Batay sa datos ng Bureau of Jail Management and Penology, tuwing summer, nasa limang uri ng sakit ang karaniwang naitatala sa iba’t ibang piitan sa bansa kabilang na rito ang:
Summer diseases in jail infirmaries (2024)
1.hypertension (2, 578 cases)
2.tootache (1, 673 cases)
3.acute gastro enteritis (1, 466 cases)
4.boil (600 cases)
5.Gastritis (554 cases)
Source: BJMP
Ayon sa ahensiya, inaasahan nila ang mababang bilang ng mga kasong ito habang unti-unting tinutugunan ang problema ng congestion o pagsisiksihan sa mga piitan sa bansa.
Sa katunayan, mas maliit ngayon ang congestion rate na may 334% o 118, 000 persons deprived of liberty (PDLs) kumpara noong nakaraang taon na nasa 370% ang congestion rate o katumbas ng 127, 000 PDLs.
Samantala, upang maiwasan ang anumang insidente sa kalusugan ng mga nakakulong, pinapayuhan nila ang lahat ng nangangasiwa sa mga piitan sa bansa na ibigay ang karampatang atensiyon at suporta sa mga bilanggo.