Ilang residente ng Marikina, hindi alam paano magsisimula matapos masalanta ng masamang panahon

Ilang residente ng Marikina, hindi alam paano magsisimula matapos masalanta ng masamang panahon

HINDI na makita ang Marikina Park at Riverbanks na katabi lamang ng Marikina River nitong Miyerkules.

Lubog na kasi sa tubig-baha ang buong lugar dahil sa matinding pag-uulan bunsod ng Habagat na pinaigting ng Bagyong Carina.

Dahilan para itaas ng lokal na pamahalaan ng Marikina sa ikatlong alarma ang antas ng tubig matapos umakyat sa higit 20 meters ang lebel ng tubig-baha.

Malawak ang naging pinsala ng nagdaang bagyo kaya ilang lugar sa Marikina ang lubog sa baha na lampas-tao na ang taas ng tubig.

Wala nang tubig-baha sa ilang mga barangay sa Marikina, nadadaanan na rin ang mga kalsada. Pero, problema ngayon ng mga residente ang sandamakmak na basura at putik na iniwan ng Bagyong Carina.

Nagkalat sa daan ang mga basurang inanod ng baha, maging ang appliances na nalubog sa baha kaya’t hindi na mapapakinabangan pa.

Maaga pa lang ay puspusan na ang paglilinis ng mga residente sa kani-kanilang mga pamamahay dahil sa makapal na putik.

Tumulong na rin sa paglilinis at paghahakot ng basura ang ilang tauhan ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), Marikina LGU at iba pa.

Gayunpaman, bakas sa mukha ng mga residente ang pagkalumok dahil karamihan sa mga ito ay wala nang naisalbang gamit.

‘Yung mga gamit namin sa baba gusto namin mai-banig kaso sa sobrang bilis ng tubig kasi level 17 nang magsimula kaming magbalot ng mga gamit kaso lang ang bilis na ng tubig kaya ‘yung gamit namin ay hindi na naibalik lahat, ang bilis ng tubig lagpas dalawang tao,” ayon kay Escarlita Jomadiao, Residente, Marikina City.

Masakit mang isipin pero wala na ring magagawa si Ricardo dahil lahat aniya ng kaniyang mga naipundar na gamit ay nasira matapos malubog sa baha.

Takot ang kanilang nararamdaman ngayon tuwing naririnig nila na tumataas ang tubig-baha.

“Lalo na ‘yung nararamdaman o naririnig mo sa mga kasama mo na tumataas pa ang tubig nakakanerbiyos talaga lalo na ‘yung nangyari sa Japan at tsaka sa Dubai. Iniisip namin na baka mangyari sa amin ‘yun,” saad ni Ricardo Cabuang, Residente, Marikina City.

Mas malala pa umano sa Bagyong Ondoy at Ulysses ang naranasan ni Aling Salvacion dahil sa Bagyong Carina lang kasi nasira ang kaniyang bahay.

“Ngayon kasi hindi kami nakaano ng gamit namin akala namin hindi na talaga babaha. ‘Di ba noong nakaraang 19 na rin ‘yun hindi bumaha kampante kami kasi ‘yung ilog. Pero, pagkatapos nakita na lang namin na nandito na ang tubig sa daanan, wash out talaga. Ano na lang ang natira sa inyo? Kami lang ng mga bata,” giit naman ni aling Salvacion Guanizño, Residente, Marikina City.

Ilang residente, nananatili pa rin sa evacuation centers dahil sa napinsalang bahay

Ganito rin ang sitwasyon nina Aling Marilou at Hanifa na hanggang ngayon ay nananatili pa rin sa Malanday Elementary School na pansamantalang ginawang evacuation center.

Wala na rin siyang mauuwiang bahay.

 “‘Yung dingding namin mga basa na halos tulakin na lang. Humihingi kami ng tulong na mabigyan naman ng panggastos sa aming nawasak na bahay,” saad ni Marilou Santos, Residente, Marikina City.

Panawagan nila sa administrasyong Marcos, agarang aksiyon.

“Ang pinaka-masakit ay ‘yung bahay ko ay lumipad ang yero, ang mga gilid ay wala na. Baka puwede kahit mga atip lang ay mabigyan lang kami kasi kahit damit ay walang nakuha,” ayon naman kay Hanifa Bombola, Residente, Marikina City.

Batay sa datos ng Marikina Disaster Risk Reduction Management Office (DRRMO), higit 30,000 indibidwal o halos 5,900 pamilya sa Marikina ang inilikas sa 13 evacuation centers sa kasagsagan ng matinding baha.

Dahil sa malawak ang naging pinsala ng Habagat at Bagyong Carina sa Marikina, ayon sa Marikina LGU tinatayang aabot sa P50 hanggang P60 milyon ng mga ari-arian at kabuhayan ang napinsala sa lungsod dahil sa bagyo.

Tinatayang halaga ng pinsala sa ari-arian at kabuhayan sa Marikina dahil sa baha ay P50-M to P60-M.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble