Ilang sasakyan na ilegal na nakaparada sa Fairview QC, hinatak ng MMDA

Ilang sasakyan na ilegal na nakaparada sa Fairview QC, hinatak ng MMDA

HINDI nakaligtas sa clearing operation ng MMDA ang mga sasakyang ilegal na nakaparada sa Fairview sa Quezon City.

Sapul sa operasyon ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa ilalim ng Special Operations Group-Strike Force (SOG-SF) ang ilang mga sasakyan na ilegal na nakaparada sa kahabaan ng Regalados extension sa Brgy. Fairview sa Quezon City.

Ang isinagawang operasyon ay kasunod ng natanggap na sulat ng MMDA mula sa barangay chairman ng Fairview.

“We received complain coming from the barangay themselves no asking for assistance na ma-clear itong kalsada nila dito sa Fairview, nakita naman natin talagang marami nga talagang naka-park dito sa kalsada despite na mayroon silang signages na ‘no parking’,” ayon kay Gabriel Go, OIC, Special Operations Group-Strike Force, MMDA.

Ang motor ng construction worker na si Rene na nagmemeryenda lang sa tapat ng kanilang ginagawang building ay hinatak ng MMDA dahil sa illegal parking.

“Hindi po namin alam na ganito pala mangyayari na may operasyon sabi ng guwardiya na okay lang. Wala naman advice na bawal dito,” ayon kay Rene na isang motorista.

Nasa P1-K ang kaniyang babayarang multa dahil sa maling pagparada sa motor, pero hindi pa aniya umaabot sa ganitong halaga ang kinikita niya kada araw bilang construction worker.

Hindi rin nakaligtas ang sasakyan ni Jenny na matiketan ng MMDA.

Paliwanag niya, ilang minuto lang siya nawala dahil sa kinakailangan niyang dalhin sa ospital ang kaniyang asawa.

Pero, nagulat na lamang ito na may mga MMDA nang naniniket.

“Kasi dinala ko sa ospital ang asawa ko kasi tinanggal ‘yung tube niya, ihing-ihi na kasi ako kaya pinark ko nasa loob kasi ‘yung susi ng gate, as in kakapasok ko lang,” saad naman ni Jenny na natiketan din ng MMDA.

Binigyang-diin ni Gabriel Go, hindi nagkulang ang MMDA sa pagpapaalala sa mga motorista sa tamang pagparada partikular sa kalsada.

Dadalhin ang mga na-tow na mga sasakyan sa impounding area ng ahensiya sa Tumana sa Marikina.

Kung saan, aabot sa P4,500 ang kinakailangan bayaran ng mga may-ari ng sasakyan na nahatak ng MMDA.

Paalala ng MMDA, maglaan ng sapat na parking area sa kanilang mga sasakyan na hindi sagabal sa pampublikong lansangan.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble