PINADLOCK na ng Department of Migrant Workers (DMW) ang opisina ng High Dreamer Travel and Tours Services na matatagpuan sa Catmon, Malolos, Bulacan bago magtanghali, nitong araw ng Biyernes.
Ang operasyon ay pinangunahan ni DMW Usec. Bernard Olalia at ng iba pang opisyal ng kagawaran.
“Atin pong pinapasara ang mga establisyimento na nagrerecruit, naghihire, nagrerefer, nagdedeployed, tumatanggap ng placement fee ng mga workers para magtrabaho sa abroad,” ayon kay Usec. Bernard Olalia, DMW.
“Napatunayan na itong ahensya na ito ay nagrerefer sa isang legitimate agency, bawal po ‘yun, kaya atin po itong ipapasara at kukuha tayo ng mga ebidensya para masampahan” dagdag ni Olalia.
Sinabi pa ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac na mismong ang Filipino community sa Poland ang nag-report sa mga ilegal na aktibidad na ginagawa ng High Dreamer sa Migrant Workers Office in Prague (MWO-Prague)
“Once again, the Filipino Community in Poland proved to be a valuable ally in stopping these illegal activities. We thank them for their vigilance in reporting the illegal activities of High Dreamer to our Migrant Workers Office in Prague (MWO-Prague),” saad ni DMW Secretary Hans Leo J. Cacdac said.
Ang MWO-Prague, na nagsasagawa ng hurisdiksiyon sa Poland, ay nagsagawa ng imbestigasyon at natuklasan na ang High Dreamer ay nag-aalok ng mga trabaho sa ibang bansa sa mga Pilipino sa pamamagitan ng Facebook.
Ang High Dreamer ay hindi valid license upang mag-alok ng mga trabaho sa ibang bansa at hindi rin ito isang recruitment agency sa DMW.
Lumalabas sa inisyal na imbestigasyon na ang ahensiya ay nag-aalok ng mga trabaho tulad ng production workers, agricultural workers, cleaners, restaurant workers, construction worker, at cleaners sa iba’t ibang bansa sa Europe, partikular na ang Croatia, na may buwanang suweldo sa pagitan ng P70,000 at P80,000.
Nabatid na ang High Dreamer ay kumukuha ng processing fee na P100,000 at placement fee na P300,000 sa bawat aplikante.
Ang pagbabayad ay non-refundable at maaaring bayaran sa tatlong installments.
Ang mga opisyal at tauhan ng High Dreamer ay mahaharap sa mabibigat na kaso ng illegal recruitment, isasama rin sila sa “List of Persons and Establishments with Derogatory Record” ng DMW, at pagbabawalan na makilahok sa mga overseas recruitment program ng pamahalaan.
Ang pagpapasara ng travel agency ay ang ika-10 closure operation mula noong Enero 2024 na isinagawa ng DMW para masugpo ang mga illegal recruiter na nambibiktima sa mga OFW at aplikante na gustong magtrabaho sa ibang bansa.