ILANG araw bago ang halalan sa Mayo 12, tuloy-tuloy ang pangangampanya ng mga kandidato sa Senado sa ilalim ng partido ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na PDP-Laban.
Mula Southern Leyte—kung saan ibinuhos ng mga Leyteño ang kanilang buong suporta—dumiretso sa Iloilo City ang DuterTEN para ipagpatuloy ang kanilang kampanya.
Sinimulan nila ang araw sa pamamagitan ng isang makulay na motorcade, kung saan sinalubong sila ng mainit na pagtanggap ng mga taga-Iloilo.
Mula Jaro Plaza, inikot ng convoy ng DuterTEN ang mga pangunahing lansangan ng Iloilo City.
Dito pa lamang ay ramdam na ramdam na ang solidong suporta ng mga Ilonggo sa mga kandidato ni Duterte—isang malinaw na pahiwatig ng kanilang tiwala at paniniwala sa plataporma ng DuterTEN.
“Alam mo ang PDP Laban under kay former President Rodrigo Duterte ay buo ang paniwala ko dahil ako naniniwala na maganda ang programa in order to reform ang gobyerno tungo sa magandang panggobyerno natin,” ayon kay Davis Columna, DuterTEN Supporter.
“Bawat isa mayroong silang paninindigan. At tsaka malaki talaga ang tiwala ko sa mga Duterte,” wika ni Sharon Anas, DuterTEN Supporter.
“Sila ang iboboto ko. Vote straight PDP-Laban. Dahil nakikita ko sa kanila, totoong kandidato silang, gusto nila mawala ‘yung kurakot,” wika ni Julie Celestre, DuterTEN Supporter.
“Naniniwala po ako, sa line-up po ng PDP Laban candidates na maipagpatuloy po ang mga nasimulan ni President Rodrigo Duterte dahil sa ginawa po nilang katiwalian po. ‘Yun po ‘yung paniniwala at paninindigan ko po,” saad ni Margie Poquiento, DuterTEN Supporter.
Ipinahayag din ng mga taga-Iloilo na ang pagboto sa DuterTEN ang tanging paraan upang maprotektahan si Vice President Sara Duterte.
Naniniwala silang hindi karapat-dapat na ma-impeach si VP Sara.
“Gusto kong hindi ma-impeach si Sara kasi isa ito sa mga preparasyon na kung botohin natin ang DuterTEN, malakas tayo sa Senado. Makapagdepense iyon inkaso matuloy ang impeachment kay Inday Sara. At hindi namin gusto si Inday Sara ma-impeach kasi kalokohan ‘yun eh,” ayon kay Porgs Pelaes, DuterTEN Supporter.
Hindi rin pinalampas ng mga taga-Iloilo ang pagkakataong ipahayag ang suporta kay Pastor Apollo C. Quiboloy, na anila ay may kakayahang ituwid ang mga senador at politikong naliligaw ng landas.
“Kagaya ni President Duterte, hindi naman siguro ni President Duterte maging matalik na kaibigan kung iba ang kanilang paninindigan. Maaaring may maganda rin siyang gawin. Ang magawa niya sa Senado, ‘yung iba diyan na naligaw ang landas… Maaari niyang pagpayuhan na gumawa ng tama,”wika ni Tony Po, DuterTEN Supporter.
Bagamat may ilang DuterTEN supporters sa Iloilo City na tahimik lamang sa kanilang pagsuporta, buo ang kanilang paniniwala na maipapanalo nila ang buong slate ng PDP-Laban.
“Silent lang po kami. Karamihan po tahimik lang po. Marami po kami. Magkakaisa po kaming lahat,” ayon kay Margie Poquiento, DuterTEN Supporter.