NILINAW ng Department of Justice (DOJ) na hindi pa tapos ang imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Degamo killing.
Ito’y kahit naihain na kahapon Miyerkules, Mayo 17 ang mga criminal complaints laban kay suspended Congressman Arnolfo ‘Arnie’ Teves, Jr. na itinuturong mastermind umano sa naturang krimen.
Ipinaliwanag ni Secretary of Justice Crispin Remulla na ipinagpapatuloy ng NBI ang pag-iimbestiga sa ilang mga indibidwal na sinasabing kasabwat o sangkot din sa pagpaslang kay Negros Oriental Governor Roel Degamo at sa 9 na mga nadamay na sibilyan.
Partikular sa mga inihaing reklamo laban kay Teves ay 10 counts ng murder, multiple frustrated murder at multiple attempted murder.