Imbestigasyon sa pamemeke ng pirma ni PBBM, sinimulan na

Imbestigasyon sa pamemeke ng pirma ni PBBM, sinimulan na

SINIMULAN na ng PNP Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang imbestigasyon hinggil sa umano’y pamemeke ng pirma ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at ang paggamit ng selyo ng gobyerno sa pagtatalaga sa isang bagong commissioner ng Bureau of Immigration (BI).

Ayon kay PNP CIDG director Police Brigadier General Ronald Lee, tinutunton na nila ang pinagmulan ng pekeng dokumento na nai-publish sa lahat ng media platforms.

Kasabay nito, nagbabala si Lee na mahaharap sa paglabag sa Article 161 ng Revised Penal Code ang sinumang mamemeke ng pirma o selyo ng Chief Executive.

Hinikayat din ni Lee ang mga mamamahayag na makipagtulungan sa CIDG kung mayroong nalalaman sa insidente.

Matatandaang itinanggi ni Press Secretary Trixie Cruz-Angeles ang lumabas na appointment letter matapos makumpirma na wala ito sa record ng Presidential Management Staff, Office of the Executive Secretary at sa Office of the President.

Follow SMNI NEWS in Twitter