Impeachment, pakay ng Kamara at ‘di budget hearing—VP Sara

Impeachment, pakay ng Kamara at ‘di budget hearing—VP Sara

TUMANGGI si Vice President Sara Duterte na mag-take ng oath sa naging hearing ng Kamara nitong Miyerkules, Setyembre 18, 2024 para sa proposed budget ng Office of the Vice President (OVP) sa 2025.

Ayon kay VP Sara, inimbitahan siya bilang resource person at hindi bilang witness kung kaya’t hindi kailangan ang mag-oath.

“Mr. Chair, when you sent a letter to the Office of the Vice President, you attached a copy of the rules in aid of legislation. Nakalagay po doon, witnesses lang po ang ino-oath. Sabi niyo po ngayon sa amin resource persons kami…” pahayag ni Vice President Sara Duterte.

Kaugnay rito, sa kaniyang opening statement, binigyang-diin ni VP Sara na walang ginawang mali ang kaniyang tanggapan at walang maling paggamit sa kanilang pondo.

Kung mayroon man aniyang audit findings ay handa silang sagutin ito sa harap ng Commission on Audit (COA) at kung may mga lehitimong kaso na isasampa ay haharapin anila ito sa tamang korte.

Pagbibigay-diin pa ng bise, malinaw na ang nasabing pagdinig sa Kamara ay isang political attack para sirain ang kaniyang pangalan at ang kaniyang tanggapan.

“What we are witnessing now is no ordinary legislative inquiry. This exercise is a well-funded and coordinated political attack. This much is evident from the very words of the privilege speech that prompted this inquiry—a speech that simply meant to say: ‘Do not vote for Sara in 2028.”

“It is clear to me that this inquiry is not about misused funds, accountability or governance. Instead, it is solely aimed at discrediting my name and my office to prevent future political contests,” ani VP Sara.

Hamon ng pangalawang pangulo, kung sa tingin ng mga mambabatas ay hindi pa sapat ang mga isinumite nilang mga dokumento patungkol sa kanilang panukalang pondo para sa taong 2025 ay huwag na aniya silang magbigay ng budget sa OVP.

Sa kabilang banda, sinabi ni VP Sara na hindi naman talaga ang pondo ng kaniyang tanggapan ang puntirya ng mga mambabatas.

“Sa totoo lang, hindi naman ang budget ang puntirya ninyo dahil napakadali naman magtanggal ng budget. What you are trying to do is make a case for impeachment,” aniya.

Dahil dito, muling iginiit ni VP Sara na hindi siya kakandidato sa nalalapit na eleksiyon at hindi siya namumulitika.

Tanging pagtupad lamang aniya sa kaniyang sinumpaang tungkulin sa taumbayan ang kaniyang ginagawa.

“So you may try to destroy me, you can skin me alive, burn me, and throw my ashes to the wind but let it be known: You will find me unbowed. I will continue to serve the Filipino people, no matter the personal cost or political intrigue,” aniya pa.

Sa hiwalay na usapin, nagpapasalamat si VP Sara sa Japan sa ipinaabot nitong suporta hinggil sa development at peace process sa Mindanao.

Kasunod ito sa naging pagkikita niya at ni Japanese Ambassador to the Philippines Endo Kazuya nitong Setyembre 17 para talakayin ang bilateral relations ng Pilipinas at Japan.

Kasama na nga dito ang economic at peace process development sa Mindanao Region.

Sa pahayag pa ng Japanese Embassy, tutulong sila na maging payapa at patas ang kauna-unahang eleksiyon na gagawin sa 2025 para sa Bangsamoro Parliament.

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble