MAITUTURING na historical ang nangyaring inagurasyon sa National Museum sa Maynila ngayong araw ng Hunyo 30 dahil sa kauna-unahang pagkakataon naipanalo ng isang majority elected president ang kampanya.
Si President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. ay inihalal ng higit 31 milyong Pilipino na buong nagtiwala at sumuporta sa kanya.
Ito ang sinabi ni Atty. Larry Gadon nang makapanayam ng SMNI News, kung saan nagbunga raw ang lahat ng pagod sa kampanya kung saan bumuhos ang suporta sa kanya ng taumbayan.
“Halos sambayanang Pilipino ang nagkakaisa na ang ating magiging Presidente Bongbong Marcos lalo pang nakakatuwa ito dahil sapagkat ilan silang tumakbo mga major candidates mga lima o anim, and still kahit pagsasamahin ang boto nila hindi pa rin aabot sa boto ni BBM,” pahayag ni Gadon.
Binigyang–diin pa nito, patunay ang pagkapanalo ni PBBM na matalino na ang mga Pilipino ngayon sa pagpili ng tamang lider ng bansa.
“Hindi na tayo madadaan sa panloloko at pambobola ng mga giant mainstream media na walang ginawa kundi sa loob ng higit 30 taong tayo ay pinakain ng maling balita, maling impormasyon at panloloko at paninira sa atin,” ani Gadon.
Ganito rin ang ipinabatid ni former Secretary Harry Roque, aniya matagumpay na demokrasya ang makakamtan ng mga Pilipino sa bagong administrasyon.
“Makasaysayan ang araw na ito, pinatunayan natin sa buong mundo na gumagana ang demokrasya at nagkaroon tayo ng bagong gobyerno sa pamamagitan ng mapayapang eleksyon at eleksyon kung saan pinakamaraming tao ang lumahok at bumoto,” ani Roque.
Aminado naman ang organizer na si Franz Imperial na nahirapan sa inagurasyon ngayong araw, base kasi sa konstitusyon kailangang manumpa ang sinumang susunod ng pangulo ng Pilipinas eksakto alas-12 ng tanghali.
“Medyo mahirap nga, but everything fell into place and destiny iyan,” ayon pa ni Imperial.
Sa kabila nito, naging matagumpay ang kinalabasan ng panunumpa ni Marcos sa harap ng milyon-milyong Pilipino na sumuporta at naniniwala sa kanya bilang ika-17 presidente ng bansa.