KAMAKAILAN lang ay inilabas na ang inisyal na pondo para sa 32 na karagdagang Black Hawk S-70i combat utility helicopters.
Ang nasabing mga helikopter ay gagamitin para sa humanitarian assistance and disaster relief (HADR) mission ng bansa.
Nagpahayag naman ng kanyang kasiyahan si Defense Secretary Delfin Lorenzana kaugnay sa inilabas na Special Allotment Release Order (SARO) dahil aniya kinakailangan ng bansa ng karagdagang helicopter para gagamitin sa HADR missions.
Kasalukuyan namang pinakinabangan ang Black Hawk ng Philippine Air Force (PAF) para sa paghatid ng tulong at mga rescue personnel sa mga lugar na nasalanta ng Bagyong Odette noong Disyembre 2021.
Gamit din ang Black Hawk sa paghatid ng mga bakuna kontra COVID-19 sa mga malalayong isla ng bansa.
Nagkahalaga naman sa P1.6-B ang inilabas ng Department of Budget and Management (DBM) para sa inisyal na pondo ng mga naturang utility helicopters.
Una nang umasa si Lorenzana na maisapinal na ang kontrata sa pagbili ng Black Hawk kasama ng anim na offshore patrol vessels (OPVs) at malagdaan na ito ngayong buwan ng Enero.
BASAHIN: Kontrata para sa 32 Black Hawk choppers at 6 OPVs, posibleng maisapinal sa Enero
Aniya, naglaan ang pamahalaan ng P62-B para sa pagbili ng 32 Black Hawk combat utility helicopters para sa PAF at anim na OPVs para sa Philippine Navy.
Matandaan na nakumpleto ng PAF ang pagbili ng 16 Black Hawk helicopters mula sa kumpanyang PZL Mielec sa Poland na nagkahalaga ng USD241-M o P11.5-B.