INAASAHAN ni Department of National Defense (DND) Secretary Delfin Lorenzana na maisapinal at malagdaan na ang kontrata para sa karagdagang 32 Black Hawk choppers at anim na offshore patrol vessels (OVPs) sa buwan ng Enero.
“Those could be the last two contracts to be signed next month,” ayon sa pahayag ni Lorenzana kaugnay sa kontrata ng Black Hawk at OVPs
Ayon kay Lorenzana, naglaan ang pamahalaan ng kabuuang P62-B para sa pagbili ng karagdagang 32 Black Hawk combat utility helicopters para sa Air Force at anim na OPVs para sa Philippine Navy.
“Newly approved funding for capital assets acquisition –32 units ‘Black Hawk’ helicopters – P32-B and six units of OPV – P30-B,” ani Lorenzana.
Ang OPV ay gawa ng kompanyang Austal, isang Australian defense manufacturer and shipbuilder habang ang Black Hawk ay mula sa kompanyang PZL sa Mielec, Poland.
Kahapon lamang ay nilagdaan ang kontrata para sa pagbili ng dalawang bagong corvettes para sa Philippine Navy na may anti-ship, anti-submarine at anti-warfare capabilities.
Ang mga corvette ay ima-manufacture ng Hyundai Heavy Industries (HHI) na siya ring lumikha ng Rizal-class frigates ng Pilipinas.
Samantala, nagpalabas ang Department of Budget and Management (DBM) ng dalawang Special Allotment Release Orders (SAROs) para sa paunang pondo ng Shore-Based Anti-Ship Missile System Acquisition Project ng Philippine Navy sa ilalim ng Revised Armed Forces of the Philippines Modernization Program.
Nagkahalaga ang unang SARO ng P1.3-B habang nasa P1.535-B ang pangalawa.
BASAHIN: Karagdagang limang ‘Black Hawk’ choppers, pormal na tinanggap ng PAF