Accreditation ng Berjaya Makati Hotel, sinuspendi ng Department of Tourism

Accreditation ng Berjaya Makati Hotel, sinuspendi ng Department of Tourism

SINUSPENDI ng Department of Tourism (DOT) ang accreditation ng Berjaya Makati Hotel at pinawalang bisa ang  permit nito bilang multiple-use hotel.

Ito ay dahil sa kabiguan ng naturang Makati hotel na pigilan ang bisita nito na lumabag sa quarantine protocols.

Maliban dito, pinagmulta rin ang Berjaya Makati Hotel ng dalawang beses na halaga sa pinakamataas na rate ng kanilang mamahaling silid.

Inaprubahan ang rekomendasyong ito ng DOT-National Capital Region ng Tourism Regulation, Coordination and Resource Generation.

Matatandaan na tumakas sa kanyang mandatory quarantine ang isang  Filipino returnee na si Gwyneth Chua o Poblacion Girl noong Disyembre 22 ilang minuto matapos itong ihatid sa Berjaya Hotel.

BASAHIN: Tinaguriang Poblacion girl, pormal nang kinasuhan ng CIDG

Namataan si Chua sa Poblacion, Makati na nakipagkita sa mga kakilala sa isang restaurant noong Disyembre 23.

Inamin naman ng Berjaya na makikita sa CCTV footage ang pag-alis ni Chua sa hotel ilang minuto matapos ihatid ang Pilipina sa naturang pasilidad.

Hindi pinigilan ng hotel security o ng front lobby ang pag-alis ni Chua o walang anumang pagsangguni sa nasabing insidente sa Bureau of Quarantine (BOQ) hanggang sa  pagbalik nito sa hotel matapos ang tatlong araw.

Disyembre 25 nakitang bumalik si Chua sa Berjaya Hotel kasama ng ina nito.

Disyembre 26 nang lumabas ang RT PCR test result nito na positibo siya sa COVID-19.

Binigyan naman ang Berjaya Hotel ng 15 araw upang idulog ang naturang desisyon ng DOT.

Follow SMNI News on Twitter