BUBUKSAN na sa mga motorista ngayong araw ang Intramuros-Binondo Bridge sa Manila na kabilang sa Build Build Build Program ng Duterte Admin.
Mismong si Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mangunguna mamayang hapon sa pagbubukas ng Intramuros-Binondo Bridge.
Kasama ng Pangulo sa pormal na pagbubukas ng tulay ay si Department of Public Works and Highways (DPWH) Acting Secretary Roger Mercado, Manila LGU representatives, Chinese govt at ilan pang opisyal ng pamahalaan.
Ang steel arch bridge na disenyo ay may kabuuang haba na 680 meters.
Mayroong apat na lane kung saan nasa 70 meters ang haba at 21 meters naman ang lapad nito.
Ang tulay ay nag-uugnay sa Intramuros sa Solana Street at Riverside Drive at Binondo sa Rentas Street, Plaza del Conde Street at Muelle dela Industria.
Nasa higit 30,000 sasakyan naman ang inaasahang makakabenepisyo ng naturang tulay araw-araw.
Makapagbibigay din ito ng kaginhawaan sa mga motorista dahil layunin ng proyekto na mapabuti ang kondisyon ng trapiko sa Metro Manila.
Nilagyan ng mga reflective thermoplastic na linya ang bike lane ng tulay at ang protected sidewalks bilang bahagi ng programa ng DPWH na magtayo ng ligtas na imprastraktura para sa mga non-motorized road users.
Ang Intramuros Bridge ay isa lamang sa big-ticket project ni Pangulong Duterte upang magkaroon ng magandang road of network at mas mataas na kapasidad ng transportasyon sa Metro Manila sa ilalim ng Build, Build, Build Program.
Ang iconic bridge project ay isa sa dalawang China-grant bridges na ipinatupad at natapos ng DPWH Unified Project Management Office.
Panibagong achievement naman ng Duterte Admin ang pagbubukas ng naturang tulay dahil ang dati rating 45 minuto na byahe sa pagitan ng Intramuros at Binondo, ngayon ay magiging 10 hanggang 15 minutes na lamang.