MISMONG si Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. ang nagbabala sa publiko kaugnay ng panganib na dala ng mga nasabat na puting sibuyas sa Brgy. Laug, Mexico, Pampanga.
Natuklasan ang dalawang container vans na idineklarang may lamang imported frozen products gaya ng chicken karaage strips.
Ngunit sa halip na frozen products, tumambad sa mga awtoridad ang mahigit 30 metriko toneladang puting sibuyas na tinatayang nagkakahalaga ng P4.1M na mula sa China.
Ayon kay Laurel, isinailalim sa masusing pagsusuri ng Bureau of Plant Industry ang mga sibuyas, at dito nadiskubre na positibo ang mga ito sa salmonella na isang mapanganib na bacteria at maaaring makamatay kapag nakonsumo ng tao.
“Ang masama dito ito ay positive siya… may salmonella so delikado ito. So, ibig sabihin nito ay masira ulong nag-import na ito na malamang murang-mura binili ito kasi reject-reject na ‘to sa bansang pinanggalingan tapos sinubukang ibenta rito dahil mura nga at smuggled… Kasi, this is a public health hazard… kasi delikado ito kasi salmonella ito nakakapatay ng tao,” ani Francisco Tiu Laurel Jr., Department of Agriculture.
Pangamba ng DA—baka naibagsak na sa mga palengke sa Metro Manila ang mga smuggled na sibuyas, kaya’t babala ni Laurel sa mga mamimili—maging mapanuri!
“‘Yung nasagap namin ay dinadala raw sa Divisoria tapos other markets dito sa Central Luzon,” wika ni PLtCol Joseph Euje DC Almaquer, Provincial Chief, Pampanga PFU, CIDG.
“So, kung may white onions sa merkado ngayon ay malamang smuggled ‘yan at kung puwede ay huwag niyong bibilhin dahil nga mukhang delikado ‘yung quality. So, the DA will be going around major public markets at kung makakita kami ng ganito ay malamang ay co-confiscate namin and ite-testing para makita ‘yung extend ng problema,” dagdag ni Laurel.
Dagdag pa ni Laurel, posibleng nabili ng mga smuggler ang mga sibuyas sa napakamurang halaga mula sa ibang bansa.
Nilinaw niya rin na walang inilabas na importation permit ang DA dahil sapat ang suplay ng lokal na produksyon hanggang Oktubre.
Bilang hakbang, ipinag-utos na ni Laurel ang pagbaon o pagsira ng mga nasabat na puting sibuyas.
Pero ang tanong: bakit marami pa rin ang nakakalusot na smuggler? At, bakit tila nawawala ang bisa ng batas sa ilalim ng Economic Sabotage Act na sinasabing may pangil laban sa mga smuggler?