TINIYAK ng Iraqi government na maayos na ang kanilang seguridad kaya makasisiguro sila na ligtas ang mga manggagawang Pilipino sakaling payagan ng pamahalaang Pilipinas na alisin na ang deployment ban sa bansang Iraq.
Matapos ang isang dekada na travel ban sa bansang Iraq may tsansa na ang mga Pinoy nurses na maka-abroad sa bansang Iraq kung papayagang muli na maibalik ang pagkuha ng mga Filipino na nais magtrabaho sa bansang Iraq.
Sa isang press conference sinabi ni Iraq’s Deputy Minister of Health and Head of Delegation Khamees Hussein Ali na umaasa ang Baghdad na makakuha sila ng mas maraming manggagawang Pilipino, partikular ng mga nars.
Ang naturang pahayag ay kabilang sa kanilang tinalakay sa isinagawang 8th Iraq-Philippines Joint Committee Meeting (JCM), sa isang hotel sa Manila, araw ng Miyerkules.
Nasa 19 na miyembrong delegasyon mula sa Baghdad ang nakilahok sa naturang pagpupulong.
Sa ngayon anila nasa proseso pa ang pag-uusap kung papayagan ba ng Philippine government ang naturang apela ng Iraq.
Sa kasalukuyan, ang Iraq ay nasa ilalim ng Alert Level 3 kung saan nanatili pa rin ang voluntary repatriation advisory at deployment ban.
Kasalukuyang iminumungkahi ng Iraq ang pag-renew ng 1982 Memorandum of Agreement sa mobilisasyon ng mga manggagawa, na nagpapahintulot sa pag-deploy ng mga manggagawang Pilipino sa Iraq.
Samantala, sa naturang okasyon nagsagawa naman ng lagdaan sa Memorandum of Understanding (MOU) sa pagitan ng mga pribadong negosyante ng Iraq at Pilipinas mula sa Pampanga Chambers of Commerce Inc. (PamCham).
Layunin ng paglagda sa MOU upang i-formalize ang sisterhood ng PamCham at Najaf Chamber of Commerce upang mahikayat, ma-promote at ma-facilitate ang economic cooperation sa mga business communities ng Pilipinas at Iraq para na rin sa pagpapalawig sa mga negosyo ng magkabilang panig.