MALAKI ang papel ng Canadian na si Thomas Gordon O’Quinn sa P9.6-B na drug haul sa Alitagtag, Batangas noong Abril.
Ayon ito kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Benhur Abalos matapos naaresto ang Canadian at ipinakita ito sa media nitong Lunes, Mayo 20, 2024.
Dagdag pa nito, malakas ang mga ebidensiyang mag-uugnay sa Canadian national na kilala rin bilang James Toby Martin sa illegal drug trade.
Mayo 16 nang maaresto ang Canadian sa isang spa sa Brgy. Maitim II, Tagaytay.
Sa pagkaaresto ay nakitaan si O’Quinn ng shabu, cocaine, at ecstasy tablets.
May nakuha rin sa kaniya na mga ID na may mukha niya subalit iba-iba ang pangalan, pitong cellphones, computer tablet, sim cards, at P3,600 na cash.
Inaresto naman ito batay sa red notice alert mula sa International Criminal Police (INTERPOL) organization dahil sa pagdala, pag-export, at pamamahagi ng ilegal na droga sa Estados Unidos.