IBINASURA ng Quezon City Office of the Prosecutor ang mga kasong direct assault, disobedience to authority, at grave coercion laban kay Vice President Sara Duterte, kaniyang chief security detail, at iba pa kaugnay ng insidente sa Veterans Memorial Medical Center (VMMC) noong Nobyembre 27, 2024.
Nag-ugat ang kaso matapos ang insidente sa VMMC, kung saan dinala at naospital ang chief of staff ni VP Duterte na si Atty. Zuleika Lopez bago siya inilipat sa St. Luke’s Medical Center.
Inakusahan ng complainant na si Lt. Col. Van Jason Villamor ng QCPD Medical and Dental Unit si VP Duterte at kaniyang grupo ng paglikha ng kaguluhan sa ospital.
Sa inilabas na desisyon noong Enero 17, 2025, idineklara ng prosecutor’s office na walang sapat na ebidensiya upang suportahan ang mga paratang. Maging ang mga itinurong testigo ng complainant ay hindi sumang-ayon sa kaniyang pahayag, at ang ipinasang video evidence ay hindi rin nagpatunay sa mga akusasyon.
Dahil dito, tuluyan nang ibinasura ang kaso laban kay VP Duterte at kaniyang security team.