Israel, hindi pa makikipag-negosasyon sa ngayon sa Hamas—Amb. Ilan Fluss

Israel, hindi pa makikipag-negosasyon sa ngayon sa Hamas—Amb. Ilan Fluss

HINDI papasok sa isang negosasyon ang bansang Israel sa Hamas militant group ng Palestine.

Ito ang sinabi ni Israel Ambassador to the Philippines Ilan Fluss sa panayam ng SMNI News.

Ito aniya ay dahil walang kakayahan ang Hamas na isang teroristang grupo na makabuo ng mapayapang ugnayan sa Israel.

Ani Fluss, magiging bukas lang sa negosasyon ang Israel kung magbabago ang Hamas group mula sa pagiging militante at maging sa pakikitungo nila sa mga Israeli.

Ibinahagi naman ni Fluss na taong 2005 pa lang nang umalis ang Israel sa Gaza Strip kung kaya’t walang rason ang Hamas group na namamahala sa lugar na kalabanin sila.

Ibig sabihin, simula 2005 ay independent na ang Gaza Strip mula sa pamamahala ng Israel.

Tanging ginagawa na lang ng Israel sa Gaza Strip ay ang tumulong para umunlad ito sa pamamagitan ng pagsuplay ng tubig at kuryente dahil hindi sapat ang pinagkukunan nila.

Nagbibigay rin ng job opportunities ang Israeli government para sa Palestinians kung saan malaya silang nakakalabas-pasok sa Israel at Gaza Strip.

Sa huli, sinabi ni Fluss na hindi lahat ng Palestinians ay kalaban nila at nilinaw nito na tanging Hamas group lang ang ikinokonsidera nilang kalaban.

Samantala, binigyang-diin ni Fluss na kung may pinapasabog man na mga building ang Israel, pawang mga occupied lang ito ng Hamas group.

 

Follow SMNI NEWS on Twitter