PATULOY nang pinaiimbestigahan ngayon ng Japan Airlines ang dahilan maging kung sino ang mananagot sa nangyaring pagbagsak at pagkasunog ng isang eroplano sa kanilang paliparan.
Ayon kay Corporate Safety and Security Senior Vice President Tadayuki Tsutsumi, maliban sa kanilang mga security personnel ay nagpadala na rin ang French Aviation Agency ng sarili nitong mga investigator sa Tokyo para imbestigahan ang insidente.
Batay sa inisyal na ulat, “cleared” na para mag-landing sa Runway 34 ang crew ng Japan Airlines Airbus A350.
Inulit at kinumpirma pa ng kanilang crew ayon sa Japan Airlines ang Runway 34 sa Air Traffic Control kung saan sila “cleared” para mag-landing.
Nananatiling palaisipan lang kung bakit nabangga ang eroplano sa isang Japan Coast Guard Aircraft bago ito nasunog.
Ligtas namang nailikas ang kabuuang 379 katao lulan ng Airbus A350 subalit ikinamatay ng lima sa anim na crew ang insidente.