MAHIGIT 80 Japanese employers ang nais kumuha ng mas marami pang Filipino skilled workers na magtatrabaho sa Japan.
Sa isang pahayag, sinabi ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan “Toots” V. Ople na nais ng mga ito ang Filipino workers dahil sa pagiging friendly at pagkakaroon ng excellent work ethic.
Dahil dito, sinabi ni Ople na magtatayo sila ng Japan Desk sa Office of the Press Secretary para mapabilis ang proseso ng mga pangangailangan ng Filipino workers at Japanese employers.
Ayon sa kalihim, layunin nila na mapatatag ang relasyon sa Japanese employers at Japanese government upang maging number one source ang Pilipinas ng skilled workers sa Japan.
Ang pahayag ng kalihim ay kasunod ng kanyang consultation meeting sa 80 Japanese employers at dialogue sa Filipino workers na employed sa ilalim ng Technical Internship Training Program at Special Skilled Worker Programs.
Si Ople ay kasalukuyang nasa Tokyo bilang parte ng official delegation ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. sa kanyang 5 araw na official visit sa Japan.