Japan ministers na sangkot sa eskandalo, inaasahang mapatatalsik sa pagtatapos ng extra parliament session

Japan ministers na sangkot sa eskandalo, inaasahang mapatatalsik sa pagtatapos ng extra parliament session

MAGTATAPOS na ngayong araw ang isinagawang extraordinary parliamentary session ni Prime Minister Fumio Kishida kung saan inaasahang patatalsikin na nito ang ilang mga ministro na sangkot sa political fundraising scandal.

Kamakailan ay napasailalim ang naghaharing Liberal Democratic Party (LDP) na pinamumunuan ni Kishida sa isang mabigat na pagsisiyasat sa gitna ng mga akusasyon dahil sa hindi pagdeklara sa daan-daang milyong yen na kita nito mula sa Political Fundraising Party.

Nagsumite ng no-confidence motion ang nangungunang oposisyon na Consititutional Democratic Party (CDP) ng Japan laban sa gabinete ni Kishida at inaasahang isasagawa ang botohan sa House of Representatives na ikinokontrol ng LDP at ng junior coalition partner nito, ang Komeito Party.

Ayon sa investigative sources, kabilang sa mga nasangkot ay si Chief Cabinet Secretary Hirokazu Matsuno, ang pinakamataas na tagapagsalita ng gobyerno kung saan pinaghihinalaang nabigo itong iulat ang nasa higit 10M yen o $69,000 na kita mula sa isang event na pinangunahan ng intraparty group na dating pinamumunuan ni Prime Minister Shinzo Abe.

Plano rin ni Kishida na tanggalin ang Economic Minister na si Yasutoshi Nishimura, si Internal Affairs Minister Junji Suzuki at si Farm Minister Ichiro Miyashita na lahat ay miyembro ng paksiyon ni Abe.

Habang sa executive lineup naman ng LDP, nagpasya ang pinuno ng patakaran na si Koichi Hagiuda na bumaba sa puwesto at ang pinuno naman ng Diet Affairs na si Tsuyoshi Takagi ay umalis nang kusa sa kaniyang posisyon.

Ang mga paksiyon ng LDP ay tradisyunal na nagtatakda ng mga quota ng mga mambabatas para sa pagbebenta ng mga ticket sa party, na kadalasang presyo ay nasa 20,000 yen at kung malalampasan nila ang kanilang mga target, ang dagdag na pondo ay ibabalik sa kanila bilang isang uri ng komisyon sa ilang grupo.

Subalit, dahil sa lumalaking kritisismo, inutusan ni Kishida ang mga paksiyon na ihinto na muna ang pagho-host ng fundraising gatherings hanggang sa maipatupad na nito ang mga hakbang upang maibalik ang tiwala ng publiko sa gobyerno ni Kishida.

 

Follow SMNI NEWS in Twitter

Follow SMNI News on Rumble