Japan, nagtala ng kauna-unahang community transmission ng Omicron variant

NAKAPAGTALA ang Japan ng kauna-unahang community transmission ng Omicron variant.

Isang pamilya sa Japan na hindi nakapagbyahe sa ibang bansa, ang nahawaan ng Omicron variant mula sa hindi matukoy na pinanggalingan ng transmisyon.

Ito ang kaun-unahang pagkakataon na nakapagtala ang Japan ng pagkalat ng Omicron variant mula sa isang komunidad.

Inanunsyo ng gobyerno ng Japan kahapon, ang kauna-unahang pagkalat ng Omicron variant sa bansa mula sa isang pamilya sa Osaka prefecture.

Tatlong miyembro ng isang pamilya—elementary school teacher na lalake, isang babae na nasa edad trenta, at sampung taong gulang na bata mula sa Osaka prefecture ang dinala sa ospital matapos makitaan ng sintomas ng virus noong Sabado at Lunes.

Magsasagawa naman ng PCR tests ang gobyerno ng Osaka sa lahat ng mga guro at estudyante sa paaralan ng Neyagawa City kung saan nagtatrabaho ang lalake.

Natukoy naman ng gobyerno ng Osaka ang lahat ng nagkaroon ng close contact sa pamilyang nahawaan at agad na magsasagawa ng tests at pasusubaybayan ang kanilang mga pisikal na kondisyon.

Sinabi naman ni Prime Minister Fumio Kishida, na gagawin ng gobyerno ng Japan ang lahat ng kinakailangang hakbang upang mapigilan ang pagkalat ng bagong variant mula sa hindi matukoy na pinanggalingan ng community transmission.

Kasabay nito, nananawagan ang ministry of health, welfare, and labor ng Japan sa lahat ng mga prefectural governments na palakasin pa ang mga hakbang nito at maghanda ng sapat na hospital beds para sa posibleng resurgence ng bagong kaso.

SMNI NEWS