Kabuuang pamamahagi ng ayuda sa NCR, naging mapayapa —PNP

Kabuuang pamamahagi ng ayuda sa NCR, naging mapayapa —PNP

PANGKALAHATANG naging mapayapa ang pagsisimula ng pamamahagi ng ayuda sa National Capital Region (NCR) na nasa ilalim ng Enhanced Community Quarantine (ECQ).

Ito ay matapos ang ginawang pag-iinspeksyon ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Guillermo Eleazar ang ilang distribution centers kahapon.

Kabilang dito ang ayuda centers sa Benigno Aquino Elementary School sa Barangay Commonwealth, at Corazon Aquino Elementary School sa Barangay Batasan sa Quezon City.

Gayundin sa ayuda centers sa Manila High School at Marcelo Agoncillo Elementary School sa Maynila.

Karamihan sa mga pay out sites ay naging mabilis naman sa pamamahagi ng ECQ ayuda dahil sa maaga ring nagsimula ang mga ito.

Dumoble din ang bilang ng mga volunteers para sa pamimigay ng financial assistance gaya ng San Juan, Mandaluyong at Caloocan.

Ayon sa DSWD, nasa 11 milyong low income families ang nakatakdang bigyan ng ayuda ng pamahalaan sa NCR katumbas ito ng P10.8 bilyon ang inilaang pondo ng pamahalaan dito.

Matatandaan na pinatitiyak ng Chief PNP sa kapulisan na masusunod ang minimum public health safety standards at quarantine protocols lalo na ang physical distancing at pagsusuot ng face mask at face shield sa distribution centers.

BASAHIN: Mabilis na ECQ ayuda distribution, iniutos ni Pangulong Duterte

SMNI NEWS