Kadiwa Store ng DA, bubuksan sa mas marami pang lugar sa 2023

Kadiwa Store ng DA, bubuksan sa mas marami pang lugar sa 2023

TINIYAK ng Department of Agriculture (DA) na mas marami nang Kadiwa Store ang maitatayo sa mga siyudad sa iba’t ibang rehiyon sa bansa pagpasok ng 2023.

Sa mga nagdaang taon, iba’t ibang farmer cooperatives na rin ang unang natulungan sa pamamagitan ng pagbebenta ng kanilang mga aning agricultural products direkta sa mga mamimili.

Sa kasalukuyan, umaabot na sa higit 350 Kadiwa ng Pasko ang naitayo sa iba’t ibang lugar sa bansa sa ilalim ng Marcos administration.

At nasa 11 farmer cooperatives kada Kadiwa ng Pasko Store ang lumalahok na kumikita ng libu-libo.

 “So if the total sales po ang ating pag-uusapan, by the millions na kasi if you look at the number of the Kadiwa ng Pasko conducted and the number of the farmer cooperatives that join each activity ay yun ang ating beneficiary aside from the fact na sila rin po ang beneficiary ng Enhanced Kadiwa Grant what we gave them training capitals for 1 million to 5 million pesos para magkaroon sila ng mga truck at para sila na po ang magdadala ng kanilang mga gulay para makalahok po sa mga Kadiwa,” ayon kay Asec. Kristine Evangelista, Dept of Agriculture.

Sa pagpasok naman ng 2023, tiniyak ni Evangelista na mas marami pang Kadiwa ng Pasko ang ilulunsad sa iba’t ibang syudad sa Metro Manila.

Ani Asec. Kristine, target nila ang 3 Kadiwa ng Pasko Store sa bawat lungsod sa National Capital Region.

“Dito po sa Metro Manila we are targeting at least 3 Kadiwa store per city and sa regions naman po ay tinitingnan natin dahil mayroon tayong 441 food terminals that can be use also as Kadiwa. So hindi lamang wholesale pero mayroon din pong retail selling,” saad ni Asec. Evangelista.

Dagdag pa nito, tinitingnan na rin ng DA ang posibilidad na gawing araw-araw ang Kadiwa Store sa bawat local government units.

Ito ay upang mas marami pang magsasaka at mga Micro and Small Medium Enterprises (MSME) ang matulungan na maibenta ang kanilang mga produkto.

Hinihimok naman ng DA ang mga mamimili na bumili na ng kanilang mga gagamiting rekados sa pagluluto ngayong Noche Buena.

Ito ay dahil 50% na mas mura kung ikukumpara sa mga palengke.

Follow SMNI NEWS in Twitter