Kahalagahan ng passport appointment system nilinaw ng Embahada ng Pilipinas sa Kuala Lumpur

Kahalagahan ng passport appointment system nilinaw ng Embahada ng Pilipinas sa Kuala Lumpur

NILINAW ng Embahada ng Pilipinas sa Kuala Lumpur ang kahalagahan ng passport online appointment system na ipinatutupad ng kanilang tanggapan, ito ay matapos umani ng ilang negatibong komento mula sa ilang OFWs ang umano’y pahirapang pagkuha ng slot para makakuha ng kanilang serbisyo.

Ayon sa embahada, ang passport online appointment system na pinapatakbo ng Philippine Embassy sa Kuala Lumpur ay bahagi ng DFA Global Online Appointment System (DFA-GOAS).

Anila, ang appointment system na ito ay centralized na pinamamahalaan at kontrolado ng DFA sa Maynila.

Nilinaw rin nila na ang ideya ng pagkakaroon ng online appointment system ay bilang tugon sa COVID-19 pandemic, at ang pagpapatupad nito ay alinsunod sa pamantayang pangkalusugan at pangkaligtasan.

Sinabi nito na buwanan naman daw binubuksan ang passport appointment slot o monthly basis, at bilang halimbawa sinabi nila na ang appointment slot para sa buwan ng Oktubre ay kanilang binuksan isang linggo bago matapos ang buwan ng Setyembre.

Bukod sa regular appointment slots na nagbubukas para sa buong buwan, may karagdagang appointment slots din daw na binubuksan araw-araw tuwing alas-8:00 ng umaga.

Dahil dito, may available slots pa na magbubukas para sa mga gustong kumuha ng appointment sa taong 2022.

 

Follow SMNI News on Twitter