22% nang tapos ang Kaliwa Dam project sa Teresa, Rizal.
Kamakailan, ipinasilip sa unang pagkakataon sa mga media ang nagpapatuloy na konstruksiyon ng Metropolitan Waterworks Sewerage System (MWSS) ng Kaliwa Dam project.
Ito ay isang proyektong makatutulong na madagdagan pa ang suplay ng tubig sa buong Metro Manila at iba pang karatig lalawigan.
Ang nasabing proyekto ay isang reservoir na may taas na 63-meter-high na maaaring makapagbigay ng 600 milyong litro ng tubig kada araw sa 20 milyong konsyumer.
85% mula sa higit P12 bilyong New Centennial Water Supply (Kaliwa Dam Project) ay pinondohan ng China Energy Engineering Corporation (CEEC).
Ito ay parte ng water security roadmap ng bansa na mahabang panahong natengga at ngayon ay ginagawa na.
Nagpapatuloy ang paghuhukay gamit ang tunnel boring machine para sa Kaliwa Dam.
Nasa 22 kilometers ang haba ng huhukayin at dito dadaan ang tubig na inaasahang magsusuplay sa Kamaynilaan at ibang karatig lalawigan at inaasahang matatapos ito sa 2026.
Ang paghuhukay ay magsisimula sa Teresa Rizal patungong General Nakar sa Quezon Province.
Dadaanan nito ang mga barangay ng Magsaysay sa Infanta, Quezon at ng Baras, Morong, Tanay, at Teresa sa lalawigan ng Rizal.
Sa bahagi ng Infanta, Quezon ilalagay ang pinaka-dam ng proyekto.
Sa kasalukuyan, nasa 340 meters nang tapos ang paghuhukay sa tunnel outlet na nakapuwesto sa ilalim ng bundok ng Sierra Madre.
Makatutulong aniya ang Kaliwa Dam project upang maiwasan na ang mga water interruption o kakulangan sa tubig lalo na kapag panahon ng tag-init.
Pero, ipinaalam naman ni Engr. Ryan Aylo, project manager ng nasabing proyekto na kasalukuyang nasa 22 porsiyento na ang konstruksiyon dito.
Pagtatayo ng Kaliwa Dam Project, hindi makasisira sa Sierra Madre – MWSS
Binigyang-linaw rin nito na hindi makapamiminsala sa kalikasan ang pagtatayo nito, malayo sa ibinabato ng mga grupong tutol dito.
Pagtitiyak pa ng MWSS na gumamit sila ng modernong teknolohiya sa pagtatayo ng Kaliwa Dam na matibay sa pag-iwas ng pagguho ng lupa.
Kamakailan lang nang ipahayag ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na mayroong krisis sa tubig ngayon ang Pilipinas.
Kaya naman, kumpiyansa ang MWSS na magiging long-term solution ang pagtatayo ng Kaliwa Dam project.
Sinabi pa ni MWSS Administrator Cleofas, 24 oras na ang konstruksiyon sa Kaliwa Dam na magbibigay ng karagdagang suplay ng tubig.