TINIYAK ng Palasyo ng Malakanyang na tatalima ang gobyerno sa ‘rule of law’ sa pagpapatuloy ng kampanya laban sa iligal na droga.
Ayon kay Press Secretary Trixie Cruz-Angeles, ipinagkatiwala ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. kay Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rodolfo Azurin Jr. ang naturang usapin.
Partikular dito ang mga polisiya na magtitiyak na naaayon sa batas ang anti-narcotics campaign ng gobyerno.
“Tuloy po ang campaign laban sa iligal na droga at pinagkakatiwalaan niya ang kaniyang Chief PNP na mag-set ng polisiya at direktiba ukol dito. Inilabas naman po ni Chief PNP na tuluy-tuloy ang kanilang operasyon and they will be compliant with the law pursuant to this,” pahayag ni Cruz-Angeles.
Una na ring sinigurado ng PNP chief na nagpapatuloy ang operasyon laban sa illegal drugs.
Ipinag-utos ni Azurin ang pag-audit ng drug situation sa bansa at tinutukan din ang mga lugar kung saan napatay ang mga nanlabang kilalang drug personalities.
Kasabay nito, nangako si Azurin na magkakaroon ng close cooperation ang PNP sa village officials para sa treatment at rehabilitation ng drug users.
Sa kabilang dako, nangako naman si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin Abalos, Jr. na magsasagawa ang ahensiya ng surprise drug tests sa mga kulungan na pinangangasiwaan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Nagbabala rin si Abalos sa mga BJMP warden at personnel na kapag may nagpositibo sa test, ibig sabihin, may nakapasok na droga sa mga jail facilities.
Ginawa ng DILG chief ang naturang warning kasunod ng mga kontrobersiya na may kinalaman sa drug lords na nag-o-operate sa mga kulungan.
Kung matatandaan, bago tuluyang bumaba sa pwesto si dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte, paulit-ulit nitong hinimok ang susunod sa kanyang administrasyon na suportahan at ipagpatuloy ang kanyang anti illegal drugs campaign upang matiyak ang kaligtasan ng mga Pilipino lalo na ng mga kabataan.