Kampanya laban sa terorista sa Sulu, tuloy sa kabila ng nangyaring military plane crash

Kampanya laban sa terorista sa Sulu, tuloy sa kabila ng nangyaring military plane crash

PATULOY ang kampanya laban sa terorista sa Sulu sa kabila ng pagluluksa ng buong hanay ng Armed Forces of the Philippines (AFP).

Ito’y sa hindi inaasahang trahedya ng C-130 military aircraft ng Philippine Air Force (PAF).

Iginiit ng AFP na hindi ito magiging hadlang para tuparin ang kanilang mandato na protektahan ang lahat ng mamamayan lalo na sa banta ng terorismo sa bansa.

Ayon sa 11th Infantry Division, nakatakdang sumabak ang mga military privates para sa anti-terrorism mission nito sa Sulu dahil sa nagpapatuloy na sigalot sa pagitan ng tropa ng militar at mga komunistang teroristang grupo na Abu Sayaff.

Sa kasamaang palad, naaksidente ang sinasakyan nitong eroplano kung saan naitala ang nasa 49 bilang ng mga sundalo at 3 sibilyan ang nasawi mula sa nasabing aksidente.

Ayon kay AFP Spokesperson Major General Edgard Arevalo, mananatili ang pwersa ng militar sa Sulu.

Hindi aniya kailanman mapanghihinaan ng loob na labanan ang problema ng karahasan, insurhensiya at terorismo lalo na sa malaking bahagi ng Mindanao kung saan may malalaking bilang ng mga rebelde at armadong grupo.

Dagdag pa ng heneral, agad na nakipag-ugnayan ang pwersa ng militar sa iba’t ibang commander officers sa Sulu upang pag-aralan ang mga nararapat na adjustment sa kampanya nito  laban sa terorismo.

Ayon sa AFP, sa ngayon may limang C-130 ang bansa kabilang ang bumagsak na C-130 sa Sulu.

Isa sa C-130 ang grounded, dalawa ang kasalukuyang nasa Portugal para sa maintenance nito.

Ngunit isa mula sa dalawang inaayos na eroplano  ang  nakatakdang dumating sa bansa ngayong buwan ng Hulyo para muling gamitin sa iba’t ibang humanitarian at military missions sa iba’t ibang panig ng bansa.

Samantala, sa kanyang pagbisita kahapon sa Zamboanga, ipinagmalaki ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga sundalong nasawi kabilang ang mga kasamahang nagpapagaling dahil sa mga tinamong sugat sa pagbagsak ng sinasakyang eroplano.

Ayon sa Pangulo, kabayanihan pa ring maituturing ang pagbuwis ng buhay ng mga bagong sundalo habang papunta ito sa kanilang misyon.

Kaugnay nito, tiniyak ng Pangulo na makukuha ng mga kaanak ng mga biktima ang nararapat na benepisyo para sa kanila.

Nangako rin ang Pangulo na sa mga natitirang panahon nito bilang pangulo ng bansa ay gagawan nito ng paraan ang paglalaan ng malaking pondo para sa mga sundalo.

Isa sa mga kinokonsidera ng Pangulo ang pagbebenta ng bahagi ng Fort Bonifacio sa Taguig City.

SMNI NEWS