IGINIIT ng kampo ni presidential candidate at dating Senator Bongbong Marcos (BBM) na wala itong nakikitang isyu kay Pangulong Rodrigo Duterte sa kabila ng pagtawag nito sa kandidato na isang mahinang lider.
Ayon sa tagapagsalita ni Marcos na si Atty. Vic Rodriguez, walang pinag-aawayan at walang diperensya sa pagitan nila Pangulong Duterte at ni Marcos.
Sinabi naman ni Rodriguez na mahalagang makuha ng kanilang panig ang pag-endorso ng Duterte dahil sa mataas rin ang approval rating nito.
Samantala, sinabi rin ni Duterte na wala itong sinusuportahang kahit na sinong presidential candidate sa ngayon.
Numero ng dumalo sa proclamation rally, hindi basehan ng panalo
Samantala, hindi maaaring maging basehan ang dami ng mga supporters na dumalo sa proclamation rally para sabihing sila na ang susunod na uupo sa pwesto.
Ito ang naging assessment ni political analyst at professor Anna Malindog-Uy sa panayam ng SMNI News hinggil sa naganap na official kick-off ng kampanya para sa mga tumatakbo sa national positions.
Gayunpaman sinabi ni Uy na lumamang ng husto ang BBM-Sara Uniteam at nakikita niyang masyadong masigasig at buo ang ibinibigay na suporta ng kanilang supporters.
Naniniwala rin si Malindog-Uy na mas titindi pa ang bangayan ng mga “kulay” ngayong campaign period subalit sa pagitan aniya ito ng kanilang supporters.
Sa huli, pinayuhan naman ni Uy ang publiko na iwasan ang pakikipag-away para lamang sa sinusuportahan nilang kandidato.