KINUMPIRMA ni Atty. Alma Mallongga, abogado ng aktor na si Ferdinand Navarro alyas “Vhong Navarro” na maghahain sila ng motion for reconsideration kaugnay sa dalawang kasong kinakaharap ng actor/comedian.
Ito ay matapos na naglabas ng warrant of arrest kahapon ng umaga ang Taguig Regional Trial Court Branch 116 para sa kasong acts of lasciviousness na agad namang piniyansahan sa halagang P36,000.
Pasado alas singko naman ng hapon ay naglabas ng panibagong warrant of arrest ang Branch 69 para naman sa kasong rape na isang non-bailable offense na isinampa rin ng complainant na modelong si Deniece Cornejo.
Makaraan namang boluntaryong sumuko ay pansamantalang nasa kustodiya ng National Bureau of Investigation si Navarro habang pinoproseso ang return of the warrant sa korte para matukoy kung saang piitan ito ikukulong.