Inaasahan ng Commission on Elections (COMELEC) na aabot sa 4-M botante o bagong magpaparehistro para sa May 8, 2028 national elections.
Mula rito ay magkakaroon na ng kabuuang 75 milyon na bilang ng mga rehistradong botante sa bansa.
Ayon kay COMELEC Chair George Erwin Garcia, nasa 140,000 hanggang 150,000 na ang aplikasyon mula nang muling buksan ang voter registration noong Nobyembre 10.
Karamihan sa mga unang nagparehistro ay kabataan.
Bukas ang registration hanggang Hulyo 30, 2027.
Samantala, itinanggi ni Garcia ang posibilidad na walang maganap na halalan sa 2028, dahil nakasaad sa 1987 Constitution na dapat itong idaos.
Giit niya, hindi maaaring ipagpaliban ang presidential at vice presidential elections dahil magtatapos sa Hunyo 30, 2028 ang termino ng kasalukuyang pangulo at pangalawang pangulo.
Nilinaw rin niyang iba ang pambansang halalan sa barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE), na maaaring ipagpaliban sa pamamagitan ng batas.
