Nagtalaga ang National Capital Region Police Office (NCRPO) ng mahigit 8-K pulis sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila.
Ito’y upang tiyakin ang seguridad, kaayusan at maayos na daloy ng trapiko sa gitna ng dalawang araw na transport strike ng grupong MANIBELA mula Nobyembre 23–24.
Sa isang public briefing, sinabi ni NCRPO Spokesperson at Public Information Office (PIO) Chief Police Lieutenant Colonel Hazel Asilo na ikinalat ang mga tauhan sa mga pangunahing lansangan, transport hubs, lugar na pagdarausan ng mga kilos-protesta, gayundin sa mga lugar na pinagtitipunan ng publiko, at mga residential area.
Layon nitong matiyak ang seguridad ng publiko, magbigay ng traffic assistance at agarang tumugon sa mga posibleng insidente at pangangailangan ng mga mamamayan.
Bago pa man ang tigil-pasada, nakipag-ugnayan na rin ang NCRPO sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), mga lokal na pamahalaan at traffic enforcers upang maiwasan ang matinding pagsisikip ng trapiko at mapanatiling bukas at accessible ang mga pangunahing kalsada.
Kasabay nito, naglatag din ang NCRPO ng libreng sakay sa ilang commuter-heavy areas, kabilang ang Quezon City, Pasig at Muntinlupa.
Sa Quezon City, kabilang sa mga rutang tinutugunan ang Commonwealth, Fairview, Cubao at EDSA.
Sa Pasig naman, naglaan ang Eastern Police District ng dalawang truck at walong mobile vehicle para sa libreng sakay, habang may biyahe rin mula Putatan hanggang Alabang sa Muntinlupa.
Samantala, nilinaw ni Asilo na igagalang ng pulisya ang karapatan ng mga transport group na magsagawa ng mapayapang protesta.
Binigyang-diin niyang hindi huhulihin ang sinumang makikilahok sa transport strike dahil lamang sa kanilang pagpoprotesta. Magkakaroon lamang ng police intervention at pag-aresto kung may aktuwal na paglabag sa batas.
“Ayon po, ating maximum tolerance, isa sa mga instruction, uunahin po natin ‘yong pakikipag-uusap at de-escalation kung magkakaroon man po tayo ng mga tension. At siyempre po ‘yong ating patuloy na pagsunod sa pag-implement ng kanilang mga karapatan,” ayon kay PLtCol. Hazel Asilo, Spokesperson, NCRPO.
Paalala rin ng NCRPO sa mga transport group, na igalang ang mga driver na nais magpatuloy sa pamamasada at huwag pilitin ang mga itong makiisa sa tigil-pasada.
“Sa atin pong mga commuters, maglaan po tayo ng karagdagang oras sa biyahe, at lumapit po tayo sa ating mga police personnel. Kung mangangailangan po ng assistance, pwede din po tayong tumawag sa 911,” pagtatapos nito.
